Ang artikulong ito’y nalathala sa Diariong Tagalog sa Maynila ng ika-20 ng Agosto ng 1882, sa wikang kastila at wikang Tagalog, sa ilalim ng sagisag na LAONG-LAAN. Ang salin sa Tagalog ay ginawa ni Marcelo H. del Pilar. Ang lathalang ito’y nakatawag ng kalooban ng marami sanhi sa pagtataglay ng uring makabayan, kaya’t ang patnugot ng pahayagang Diariong Tagalog, na si Francisco Calvo ay di nagsayang ng panahon at nagpahatid agad kay Rizal ng isang malugod na pagbati, bukod pa sa pakiusap na siya’y padalhan ng iba pang mga lathalaing buhat sa panulat ni Rizal.
PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA[1]
Narito ang isang magandang paksa; at dahil din sa kanyang kagandahan ay napakadalas nang talakayin. Ang pantas, makata, makasining, manggagawa, mangangalakal, o mandirigma, matanda o bata, hari o alipin – ang lahat ay nakapag-isip na tungkol sa kanya, at nakapaghandog ng pinakamahalagang bunga ng kanilang isip o ng kanilang puso. Buhat sa taga Europang mulat, malaya't mapagmalaki sa kanyang maluwalhating kasaysayan, hanggang sa negro sa Aprika, na hinango sa kanyang mga kagubatan at ipinagbili sa hamak na halaga; buhat sa matatandang bayang ang mga anino'y aali-aligid pa sa kanilang mga mapapanglaw ng guho, libingan ng kanilang mga kaluwalhatia't pagdurusa, hanggang sa mga bansang makabago't lagi ng kumikilos at puno, ng buhay, ay nagkaroon ay mayroong isang pinakamamahal na dilag, maningning, dakila, nguni't walang habag at malupit, na tinatawag na Inang-Bayan. Libu-libong dila ang sa kanya'y umawit, libu-libong kudyapi ang naghandog sa kanya ng kanilang mga makatang lalong matataas ang pangarap, ang naghain sa kanyang harap o sa kanyang alaala ng kanilang pinakamaningning na katha. Siya ang naging sigaw ng kapayapaan ng pag-ibig at ng kaluwalhatian, palibhasa'y siya ang laman ng lahat ng pag-iisip, at katulad ng liwanag na nakukulong sa isang malinis na bubog, siya'y tumatagos hanggang sa labas, na parang mga sinag na buhay na buhay.
At ito ba'y magiging sagwil upang siya'y pag-ukulan natin ng panahon? At tayo ba'y hindi maaaring mag-ukol sa kanya ng anumang bagay, tayong walang ibang kasalanan kundi ang pagkakahuli ng pagsilang sa maliwanag? Nagbibigay ba ang dantaong ika-labinsiyam ng karapatang huwag kumilala ng utang na loob? Hindi. Hindi pa nasasaid ang mayamang mina ng puso; sagana pa tuwina ang kanayang alaala, at bahagya man ang pagkakapukaw ng kanyang alaala, at bahagya man ang pagkapukaw ng ating kalooban, ay makasusumpong tayo sa kaibuturan ng ating kaluluwa na kung di man isang masaganang kayamanan, ay abuloy na bagaman dahop ay puspos naman ng kasiglahan. Katulad ng mga matatandang ebreong nangag-alay sa templo ng mga kauna-unahang bunga ng kanilang pag-ibig, tayong mangingibang lupain ay nag-uukol ng mga kauna-unahang tinig sa ating Inang-Bayang nababalot ng mga panginorin at mga ulap ng umaga, lagi nang maganda at matulain, at sa tuwi-tuwina'y lalong sinasamba habang sa kanya'y nawawalay at nalalayo.
At ito'y hindi nararapat pagtakhan sa dahilang ang pag-ibig sa inang-baya'y isang damdaming tunay na katutubo; sapagka't naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng kamusmusan, isang masamang tulang awitin na ang kabataan lamang ang nakakikilala at sa mga bakas nito'y sumisibol ang bulaklak ng kawalang-malay at ng kaligayahan; sapagka't doo'y nahihimbing ang buong nakaraan at nababanaagan ang isang hinaharap; sapagka't sa kanyang mga kagubatan at sa kanyang mga kaparangan, sa bawa't punungkahoy, sa bawa't halaman, sa bawa't bulaklak, ay nakikita ninyong nakaukit ang gunita ng isang nilikhang minamahal ninyo, gaya ng hininga niya sa mahalimuyak na simoy ng hangin, ng kanyang awit sa mga bulong ng bukal, ng ngiti niya sa bahaghari ng langit,o ng mga buntung-hininga niya sa magulong halinghing ng hangin sa gabi. Ang sanhi nito'y sapagka't doo'y nakakikita kayo, sa pamamagitan ng mga mata ng inyong gunita, sa ilalim ng tahimik na bubong ng matandang tahanan, ng isang angkang nag-aalaala at naghihintay sa inyo, nag-uukol sa inyo ng mga isipan at mga pagkabalisa nila; sa wakas, sapagka't sa kanyang langit, sa kanyang araw, sa kanyang mga karagatan at sa kanyang mga kagubatan ay nakakatagpo kayo ng tulain, ng paggiliw at ng pag-ibig, at hanggang sa libingan na ring pinaghihintayan sa inyo ng isang abang puntod upang kayo'y isauli sa sinapupunan ng lupa. Mayroon kayang isang kadiyusang nagtatali ng ating mga puso sa lupa ng ating inang-bayan, na nagpapaganda't nagpaparilag sa lahat, naghahandog sa atin ng lahat ng bagay sa ilalim ng isang anyong matulain at malambing, at nakararahuyo sa ating mga puso? Saapagka't sa papaano mang anyo humarap siya, maging nararamtan ng matingkad na pula, napuputungan ng mga bulaklak at laurel, makapangyarihan at mayaman; maging malungkot at nag-iisa, nababalot ng basahan, at alipin, nagmamakaawa sa kanyang mga anak na alipin din; maging anaki'y diwata sa isang halamang maalindog, naliligid ng mga bughaw na alon ng karagatan, nakahahalina at marikit, gaya ng pangarap ng napaglalalangang kabataan; maging natatakpan ng isang lambong ng yelo, nakaupong malungkot sa mga dulo ng daigdig, sa silong ng isang langit na walang araw at walang tala; maging anuman ang kanyang ngalan, ang kanyang gulang o ang kanyang kapalaran, siya'y lagi na nating minamahal, gaya ng pagmamahal ng anak sa kanyang ina sa gitna ng gutom at ng karalitaan.
At bagay na kataka-taka! Habang siya'y lalong aba't kulang-palad, habang lalong nagdurusa nang dahil sa kanya, ay lalo naman siyang sinasamba hanggang sa nagtatamo ng kaligayahan sa pagtitiis ng dahil sa kanya. Napansing ang mga naninirahan sa mga bundok at sa mga di-linang na kaparangan, at yaong mga isinilang sa lupang tigang o mapanglaw, ay siyang nag-aangkin ng lalong buhay na alaala ng kanilang bansa, at walang nasusumpungan sa mga lunsod maliban sa malabis na pagkainip na siyang pumipilipit sa kanilang magbalik sa kanilang tinubuang lupa. Ito kaya'y dahil sa ang pag-ibig sa inang-baya'y siyang pinakawagas, pinakamagiting at pinakadakila? Ang pagkilala kaya ng utang na loob, ang pagkalugod sa lahat ng nakapagpagunita ng ating mga kauna-unahang araw, ang lupa kayang kinahihimlayan ng ating mga nuno, ang templong kinadoroonan ng sinasamba nating Diyos sa pamamagitan ng katapatan ng walang malay na kamusmusan; ang tunog ng batingaw na nakaaaliw sa atin buhat sa pagkabata, ang mga malalawak na kaparangan, ang lawang bughaw, na may mga kaakit-akit na pasigan ng mga bulaklak na parang pugad ng pag-ibig; o ang ganitong matamis na damdamin? Ang sigwa kaya, na kumakawala, humahagupit at naghahapay, sa pamamagitan ng kanyang kakilakilabot na haginit, ng tanang nasasagasaan sa dinaraanan niya; ang lintik kayang nakatakas sa kamay ng nakapangyayari at pumupuksa sa bawa't tamaan; ang agos kaya o ang talon ng tubig, mga bagay na walang tantan ng paggalaw at walang tugot ng pagbabala? Ang lahat kayang ito ang sa ati'y nakaaakit, nakararahuyo't nakahahalina?
Marahil, ang mga kariktang ito o ang mga sariwang gunita ang siyang nagpapatibay sa taling bumibigkis sa atin sa lupang sinilangan at nagbubunga ng matamis na katiwasayan kapag tayo'y nasa-ating bayan, o kaya'y ng matinding kapanglawan kapag tayo'y nalalayo sa kanya, simula ng isang malupit na karamdamang tinatawag na "nostalgia" (matinding pag-aalaala sa sariling tahanan o bayan).
O! Kailanma'y huwag ninyong pasakitang-loob ang taga-ibang lupa, ang umaahon sa inyong mga dalampasigan; huwag ninyong gisingin sa kanya ang buhay na gunita ng kanyang bayan, ng mga ligaya sa kanyang tahanan, sapagka't kung magkakagayon, sila'y mga sawimpalad ng gigisingin ninyo sa kanila ang karamdamang yaon, masugid na multong hindi hihiwalay sa kanila hanggang hindi masilayan ang tinubuang lupa, o hanggang sa tumugpa sa bingit ng hukay.
Huwag kayong magbuhos kailanman ng isang patak ng kapaitan sa kanyang puso, palibhasa'y sa ganitong pagkakataon ay nag-iibayo ang mga dalamhati kung ihahambing sa mga kaligayahan sa nawalang tahanan.
Tayo nga'y ipinanganganak, lumalaki, tumatanda, at namamatay na nagsisimpan ng banal na damdaming ito. Ito kaipala'y siyang lalong nananatili, kung mayroon mang kapanatilihan sa puso ng tao, at tila hindi siya humihiwalay sa atin kahit na sa libingan na rin. Si Napoleon, na nakikinikinita na niya ang madilim na kailaliman ng libingan, ay nakagunita sa kanyang Pransiya, nalabis niyang pinakamahal, at sa pagkakatapo'y pinaghabilinan niya ng kanyang mga labi, sa pananalig na sa sinapupunan ng kanyang inang-bayan ay makakasumpong ng lalong matamis na pagpapahingalay.
Si Ovidio, na lalong kulang-palad, sa pagguguniguning kahit na ang mga abo niya'y hindi na makabalik sa Roma, ay naghihingalo sa Ponto Euxino, at inaaliw ang sarili sa pag-aalaalang kung hindi man siya, ang mga tula man lamang niya'y makamamalas sa kapitolyo.
Noong bata pa tayo'y nawili tayo sa mga laro; nang magbibinata na'y nalimot na natin ang mga yaon; nang magbinata na'y humanap tayo ng ating pangarap; nang mabigo naman tayo'y tinangisan natin ito; at tayo'y humanap ng lalong tunay at lalong kapaki-pakinabang; nang tayo'y maging ama na'y namatayan tayo ng mga anak at pinapawi ng panahon ang ating hapis, gaya ng pagpawi ng hangin sa dagat sa mga baybayin habang nalalayo sa mga ito ang sasakyan.
Datapuwa't, sa kabilang dako, ang pag-ibig sa inang-bayan ay hindi napaparam kailanman kapag nakapasok na sa puso, palibhasa'y nagtataglay sa kanyang sarili ng tatak na maka-Diyos na ikinapagiging walang kamataya't walang hanggan.
Sinasabing ang pag-ibig kailanman ay siyang pinakamakapangyarihang tagapagbunsod ng mga gawang lalong magiting; kung gayon, sa lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa inang-bayan ay siyang nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting at lalong walang halong pag-iimbot. Kung hindi'y bumasa kayo ng kasaysayan ng m,ga ulat ng pangyayari taun-taon, ng mga alamat; pumasok kayo sa sinapupunan ng mga mag-anak; anong mga pagpapakasakit, mga pagbabata at mga luha ang ibinubuhos sa kabanal-banalang dambana ng inang-bayan! Buhat kay Bruto, na nagparusa sa kanyang mga anak na pinaratangan ng pagtataksil hanggang kay Guzman, ang mabuti, na pumayag na patayin ang kanyang anak, huwag lamang siyang magkulang as tungkulin; anong mga dula, mga sakuna, mga pagpapakasakit ang hindi naisagawa alang-alang sa kagalingan ng hindi mapalubay na kadiyusang iyong walang maipapalit sa mga anak nila, maliban sa pasasalamat at mga pagpapala. At gayunman, sa pamamagitan ng mga bahagi ng kanilang puso'y nagtatayo sila ng maluwalhating bantayog sa inang-bayan; sa pamamagitan ng mga gawaa ng kanilang mga kamay, sa pamamagitan ng pawis ng kanilang mga noo ay dinilig at napamunga ang banal na punung-kahoy, at hindi sila naghintay ni nagkaroon ng anumang gantimpala!
Masdan ninyo roon ang isang taong nagkukulong sa kanyang silid; sa kanya'y lumilipas ang lalong mahahalagang araw, ang mga mata niya'y lumalabo, ang buhok niya'y nangangabo at nalalagas na kasama ng mga pangarap niya; ang katawan niya'y nakukuba. Sinasaliksik niya sa loob ng maraming taon ang isang kaatotohanan, nalutas niya ang isang suliranin: ang pagkagutom at pagkauhaw, ang ginaw at alinsangan, ang mga karamdama't kasawian ay humarap na sunud-sunod sa kanya. Papanaog siya sa libingan, at sinamantala ang kanyang paghihingalo upang ihandog sa inang-bayan ang isang pumpon ng bulaklak para sa korona nito, isang katotohanan, bukal at simula ng libong pakinabang.
Ibaling ninyo ang tingin sa ibang dako; isang taong dinarang ng araw ang nagbubungkal ng lupa upang paglagakan ng isang binhi; siya'y isang magbubukid. Siya'y umaabuloy din sa pamamagitan ng maliit bagama't makabuluhang paggawa, sa kaluwalhatian ng kanyang bansa.
Ang inang-baya'y nasa panganib! Sumusulpot sa lupa, na parang malikmata, ang mga mandirigma't mga pangunahin. Iniiwan ng mga ama ang mga anak, ng mga anak ang ama, at lahat sila't dumadaluhong upang magtanggol sa ina ng lahat. Nagpapaalam sila sa tahimik na pakikipagbaka sa tahanan at inililingid sa ilalim ng talukap ngmga mata ang mga luhang pinadadaloy ng kalambutan ng loob. Sila'y nagsiyao, at lahat ay namatay. Marahil, siya'y ama ng maraming anak na mapupula't kulay sagang katulad ng mga kerubin, marahil siya'y isang binatang may pag-asang nakangiti; anak man o mangingibig ay hindi nakakasalabid! Ipinagtatanggol niya ang sa kanya'y nagbigay ng buhay, natupad niya ang kanyang tungkulin. Si Codro man o si Leonidas, kahit na sino siya, ang inang-bayan ay matututong umalaala sa kanya.
Ipinara ng ilan ang kanilang kabataan, ang kanilang kaligayahan; ang iba'y naghandog sa kanya ng kaningningan ng kanilang kadalubhasaan; ang mga ito'y nagbubo n g kanilang dugo; ang lahat ay namatay at nagpamana sa kanilang inang-bayan ng isang malaking kayamanan; ng kalayaan at ng kaluwalhatian.
At siya, ano ang nagawa niya para sa kanila? Sila'y tinatangisan niya at buong pagmamalaking inihaharap sa daigdig, sa mga ipanganganak pa at magiging anak ng mga ito upang maging halimbawa.
Datapuwa't ay! Kung sa kababalaghan ng iyong ngalan, o Inang-bayan! Ay nagniningning ang mga kabaitang lalong makabayani, kung sa iyong ngala'y naisasagawa ang mga pagpapakasakit na higit sa kakayahan ng tao, as kabilang dako nama'y gaanong pang-aapi…!
Buhat kay Hesukristong puspos ng pag-ibig, na pumanaog sa lupa sa ikagagaling ng sangkatauhan, at namatay alang-alang sa kanya sa ngalan ng mga batas ng kanyang bayan, hanggang sa mga lalong di-kilalang sinawi ng mga makabagong paghihimagsik, ilan, ay! ang hindi nagtiis at namatay sa iyong ngalang kinamkam ng iba! Ilang sinawi ng pagtatanim, ng pag-iimbot o ng kamangmangan, ang hindi namatay, na nagpapala sa iyo, at nagnanais para sa iyo ng lahat ng uri ng kapalaran!
Maganda at dakila ang inang-bayan, kapag ang anak niya, sa sigaw ng pakikipaglaban, ay gumayak sa pagtatanggol sa matandang lupa ng kanilang mga ninuno; malupit at mapagmalaki, kapag, buhat sa mataas niyang luklukan ay nakikita ang dayuhang tumatakas sa sindak sa harap ng hukbong hindi magapi ng kanyang mga anak. Datapuwa't ang kanyang mga anak, na nagkakahatihati sa magkakalabang pangkatin ay nagpapatayan; kapag ang poot at pagtatanim sa kalooban ay nagwawasak ng mga parang, mga bayan at mga lunsod, sa gayon, ay niluluray niya sa kahihiyan ang kanyang balabal, at matapos itapon ang setro, ay nagluluksa dahil sa mga anak niyang namatay.
Maging anuman nga ang kalagayan natin, ay nararapat nating mahalin siya at walang ibang bagay na dapat naisin tayo kundi ang kagalingan niya. Sa gayo'y gagawa tayo, alinsunod sa tadhana ng sangkatauhang itinakda ng Diyos, na dili iba kundi ang pagkakasundo't kapayapaang pandaigdig ng mga nilikha niya.
Kayong nawalan ng mithiin ng inyong kaluluwa,; kayong sa pagkaksugat ng inyong puso'y nakita ninyong naglahong isa-isa ang inyong mga pangarap at katulad ng mga punungkahoy sa tag-ulan, ay nasumpungan ninyo ang inyong sariling walang bulaklak at walang dahon at gayong nananabik na magmahal ay wala naman kayong makitang karapat-dapat sa inyo, nariyan ang inang-bayan, mahalin ninyo siya.
Kayong nawalan ng isang ama, ng isang ina, ng isang kapatid, ng isang asawa, ng isang anak, ng isang kasintahan, sa wakas, na siyang pinagbatayan ng inyong pangarap, at sa inyong sarili'y nakatagpo kayo ng isang malalim at kasindak-sindak na kawalan, nariyan ang inang-bayan; mahalin ninyo siya ng gaya ng nararapat.
Mahalin ninyo siya, oo nga, nguni't hindi gaya ng pagmamahal sa kanya ng nakaraang panahon, sa paggawa ng mga malulupit na kabanalang itinakwil at sinumpa ng tunay na kabaitang-asal at ng inang kalikasan; hindi sa pagpaparangalan ng pananampalatayang bulag, ng pagwawasak at ng pagkamalupit, hindi nga. Lalong kaaya-ayang bukang-liwayway ng kristiyanismo, sagisag ng mga araw na maligaya at matahimik. Kautangan nating manunton sa matigas nguni't payapa't mabungang landas ng agham na humahantong sa pag-unlad, at buhat doo'y sa pagkakaisang nilunggati't hiningi ni Hesukristo sa gabi ng kanyang pagpapakasakit.
LAONG-LAAN
BARSELONA, Hunyo, 1882
[1] May pahintulot ng National Historical Institute. [2] Ito ang artikulong isinulat nu Rizal nang siya’y dumating sa ibang lupain. Noo’y nasa Barselona, Espanya, siya nang mga unang araw ng panahon ng Tag-araw ng taong 1882. Halos dalawampu’t isang taon pa lamang ang kanyang gulang noon.
Comments