top of page
Writer's pictureMarcelo Del Pilar

Mga Piling Tula ni Ginoong Teo Antonio sa Buhay ni Plaridel

Pangungulila Pagdaong sa Hongkong


“Alinsunod dito’y aling hirap kaya

ang sukat indahin sa pagkakalinga

sa sariling baya’t nang ikatimawa

sa madlang mahirap at sumapayapa.”


Magmula Maynila, dumaong sa Hongkong

at pangungulila itong kalong-kalong.

Pagluha ni Tsanay sa puso’y bumalong

halik kay Sofia at sa bunsong sanggol;

matulis na subyang lalong bumabaon

at parang ang puso’t diwa’y naluluoy.


Pinaglabanan ko, ang pangungulila

higit kong inisip ang bayang may dusa.

Ningas ng kandila, taglay na pag-asa

at dahas ng hangin’ itong sinusugba.

Laging hinahangad baya’y lumigaya

sa pagkaalipin ay lumaya sana.


Ano na, ang hapdi na magpakasakit

nang dahil sa bayang pinakaiibig?

Paglaya’y liwanag sa puso at isip

na dinidiligan ng hirap at sakit.

Kung ako’y lumayo aking ninanais

mga kababaya’y mahango sa hapis.

Kung kinasihan man, na makapag-aral

aanhin ang dunong kung labi’y may busal?

Hindi iniukol sa bayang minahal

ang inangking dunong na dapat itanghal;

para sa maraming pinagkakaitan

ng dangal,pag-asa, laya’t katarungan. 496


“Sagot nang Espanya…” pag nasasaisip

na mahabang tulang ilan sa natitik,

“Spapagkat ang prayle ay hindi kaparis

nilang mga paring itim kung manamit,

ang prayle ay anak sa bundok at yungib

ng mga magulang na napakagipit”

At itinuloy ko, uyam at paglibak

sa prayleng ang tanging hinangad ay pilak,

“Anak sa dalita’t buong pagsasalat

walang nalalamang gawang paghahanap,

kaya kailangang tuyuin ang lahat

upang manariwa ang sariling balat.”


Itinuong higit pagkutyang lubusan

sa nagpapabaya na anak ng bayan,

“Mapanglaw na sumpa ng Poong Maykapal

sa tamad na puso ay kalumbay-lumbay;

Kayong nagpabaya sa sariling bayan

anya’y dapat namang aking pabayaan.”`

At ito na lamang ang lagi sa isip

maikling panahong ako’y naiinip.

Ibig kong sa Hongkong agad makaalis

at ang Barcelona ay aking masapit.

Doo’y makapiling ang mga kapatid

na makakasangga talim ng panitik.


Kung magtatagal pa’t ako’y mabibinbin,

makapal na ulap itong tumatabing.

Laksang agam-agam sa aking damdamin

at ang Barcelona’y baka di marating.

Kalong ng pangamba’t daming pangitain

nagsasalimbayan sa laksang panimdim.

Walang mahagilap namang talinghaga

nang upang busugin ang puso at diwa.

Sugatan ang puso, hapong lumuluha,

ang nilalabana’y mithi ay manghina.

Ngayon pang malapit marating ang nasa

mga kapanalig magbuhol-adhika.

Mamatamisin pang laging natutulog

at sa aking isip, walang pumapasok;

na alalahaning sa puso’y dudurog

at magpapahina ng pitlag at tibok.

Pero mahiga man ay nagbabantulot

nagdaramot manding dalawin ng antok.

Pero ang katwiran, kung sanay magsugat

ay kayang tiisin ang matinding naknak.

Binihasa ako ng mga dinanas

mula kabataang busog ang pangarap.

Kung ang mga daho’y tinangkang malagas

ay hindi nabunot matatag na ugat.


Patakan ng dayap ang sugat na angkin

nang hindi lumaon sa pagkakahimbing.

Sa pag-aanyaya ng mga bituin

ay baka matuksong ang gabi’y sisirin.

Maraming balakid na kakabakahin

baka makalingat, tungkuli’y limutin.


Ito ang pumakong sumpa at panata

upang di yumabong ang pangungulila.

Laksang agam-agam ay aking binura

tinangay ng hangin bawat alaala.

Bilang mandirigmang bihasang magdusa,

gising ang ulirat sa pakikibaka.






SOBERANIA MONACAL


“Kung saan lalong marami ang mga pista

doon din naman lalong naghihirap ang bayan.”

-Soberania Monocal



At ang Soberania Monocal na akda

Ay dito sa Madrid nabuo’t nalikha

Kung tinutuos ko, kaapihang lubha

sa kamay ng prayleng sakim at masiba

Lalong umaapoy ang panunuligsa

sa buktot na layon at gawaing lisya.


Ang ilang bahagi’y aking binubuklt

Sa mga pahina ng aking ulirat

Mga kaisipang dapat madalumat

sa napiping diwa, mata man ay dilat,

Kinakailangang isipa’y mamulat

daan-daan taon ng pagpapahirap


“Iyang panatismo at ang kamangmangan

sa kamay at sakop ng poder monokal;

ang tinig ng dugo’y di pinakikinggan

sa tinig ng Diyos inakalang laban

Isang daan taon nagging bunga naman

ay laksang pamilyang nawalan ng yaman”


“Sinimot ang mana’t malawak na bukid

At mga asyendang bunga ng sigasig;

Kinamkam na lubos walang ngalang lupit

Ng tanging samahan nitong “monocales”

Kumbento’y lumusog, milyonaryong labis

Na hindi nagbungkal, naglinang, nagpawis


“Pinagbuwisan pa’t and buwis na bayad

Kada taon-taon lalong tumataas.

Kawayang lumagi’t punong nagsibulas

Ang maraming bunga ang siyang panukat,

Sa patong na buwis ay dagdag nang dagdag

Kung di mag-intrega ay pinalalayas.”


“At ang kahirapan ang ulilang tinig

Kangino ang puso na makaririnig?

Sa halip sa bayan maukol ang buwis

Nabundat ang prayle sa yamang nakamit

Asyenda publiko’y kinamkam na labis

At sinong pinuno, ang babanggang higit?”


“Silang mga orayle ang namamayani

Kapag siniyasat kabuktutang kubli,

Ng pamahalaan at mga kawani

Na kapag nang-usig di mananatili,

Sa kanilang p’westo’t dapat maging bingi

Ang mga pinuno na takot sa prayle.”


“At kapag may pista sa mga simbahan

Kahit sa bisista sila’y humihirang;

“hermanas mayores” tungkuling pandangal

Mangilak na ambag pati kakulanagan,

Ang bumabalikat mga mamamayan

Bukod pa sa gastos ng handa sa bahay”



Matapos ang pista ng “hermanas mayores”

Nagiging pulubi at gipit na gipit

Kung saan marami ang pistang marikit

Ay lalong marami ang bayang gulanit

At diyan sa Tono, Manila ay higit

Taon-taong pistang sagana sa kwintas.”


Pinakamatao’t pinakamaingay

Musiko’t paputok ay di magkamayaw

Ito rin ang nayon ng kilalang tunay

Ng pinakaaba’t kawawa ang buhay

Kapag merong pista lalong yumayaman

Ang Monde de Piadad at bahay sanggalan.


“Bukod pa sa pista ang bayad ay todo

Sa misa kantada ng prayleng magarbo

Kahit pagbebenta, correa, rosary

O kaya ay kurdon at eskapularyo

Na hindi bababa sa libong por’syento

Ang tubong kinita ng mga kumbento.”


“Doon sa sant’waryo nitong San Sebastian

Ang eskapularyo ay may pagawaan

Kwadro’y nagsalabat sa hindi namatay,

Tumalsik ang bala habang may digmaan

At eskapularyo’y suot sa katawan

Ng kawal o kahit ng mga tulisan.”


Ang mga correas, pagawaan mandin

Doon sa kumbento nitong San Agustin

Mayroon pang kwadro maganda’t taimtim

Correa ay dala sa baywang ng Birhen.

Pampukaw ng prayle’y lalong paramihin

Upang sa negosyo nila ay mahaling”


“Libo-libong piso ang ibinabayad

Sa kaban ng prayle, nitong Filipinas.

Kung si Hesukristo, poot ay nagsiklab

Sa pangangalakal sa templo’y di dapat

Ang hampas at palo’y dapat na igawad

Sa prayleng maimbot, sakim, salabusab”


“Ang gawang ganito ay nagpapahaba

Sa pamamayani ng prayleng kuhila

Kinamumuhian, kasuklamang pawa

Nitong mamamayang umapoy ang diwa.

Kinatatakutang sila ay mabangga

Dahil walang hadlang sa pamamahala.”


Pamatok ng prayle’y hindi na natis

May lathalang lihim noo’y ipinuslit;

Laban sa kanila na “corporaciones.”

Ipinadadala sa maraming silid

Ng unibersidad at simbahang tandis,

Sa pamahalaa’t kalsada’y bumatis.”


“Ang tula at sulat o karikatura

“Ibagsak ang Prayle!,” ang limbag na letra.

Noon ay nagising at nagkakaisa

Ang bayang dinusta’t nilubog sa dusa.

Sagad-na-sa-buto kabuktutan nila,

Umapaw na sama’y kinalos talaga.”




Sandatang Nabingaw ang Pamamahayag


“Sinulat sa akin ni Blumentritt na ikaw ay nangangambang ang Sol ay baka mamatay”

-Bahagi ng liham ni Rizal kay Del Pilar mula Hongkong

3 Mayo 1892

“Sasakyan mo’y gripo, huwag matutulog ang mga anak mo’t may sigawa sa laot.”

Sa hinaba-haba ng anim na taon ng pamamahayag sa pahayagang Sol. Iba’y namitawan, ang tustos ay gahol at kami ni Naning ang tanging nag-ukol; na ipagpatuloy sa pagkakaburol ang mithing paglayang dumusta’y Espanyol.

Ngayong maramdamang ang tustos ay kapos, La Solidaridad, layuning natiklop.

Pahinang nawasak, nagkadurog-durog gobyernong Espanyol, nabingaw ang tunog. Walang pakiramdam at hindi masagot hangad na paglaya, pangarap na taos.

Maraming sandal, minuto at oras na hindi kumain, gutom ay lumipas; upang panindigan ang pamamahayag ng bayang ang nasa, kalayaang ganap. Alisan ang prayle ng laksang kamandag sa sariling bayan ay nagpapahirap.

Ibigay sa amin, karapatang nais na may kinatawan ang bayan sa Cortes; doon ilalahad ang pagmamalabis ng prayleng Kastilang dapat mapatalsik.

Ang pamamahala’y iwana’t matindig ang pagsasarili sa bayang inibig.

Dama ko, dama ko, Espanya ay bingi pagtutol ng bayan ay isinantabi. Iba’y namitawan, nawalan ng silbi. Ang laksang paghibik wala ring nangyari. Ibig kong magbalik sa lupang sarili doon ang paglaya’y ningas na isindi.


Aming inasahang maglawit ng lubid sa pagkalunod bayan masagip. Pero ang inabot sa pagkakabulid Botelya ng lason na lalong mabagsik. Wala nang pag-asang tayo’y maulinig ito ang panahong dapat maghimagsik.


Nauulinig ko, kay Pepeng hikayat magbalik sa ating bansang Filipinas. Doo’y magkaisa, buhulin ang pitlag ng diwa at puso sa bayang niliyag. Ang bayang Espanya ay bingi at bulag, walang pakiramdam sa aming pagtawag.



Natupok na mga Alaala


“Ang pinanghhinayangan kong totoo’y ang mga

apunteng ininot-inot ko, buhat pa noong ako’y

estudyante tungkol sa mga bagay na pinamuhunanan

ko ng mahaba at mahirap na pagdidili-dili, bukod

pa sa rito’y ang mga tula ng ating mga ninuno...”

- Bahagi ng liham ni del Pilar

sa kanyang espinoso noong 1889.

Habang yaring pluma ay itinatagis

At sa propaganda’y nanindigang labis.

Balitang nasagap ay napakapait

Sa kapitbahay kong si Modesto Reyes.

Ang bahay sa Kupang dahas ng sibasib

Ng apoy na parang yumupok sa dibdib. 826


Taong labingwalo walumpu at siyam

Pebrero at Marso’y hindi lumiliham,

Ni walang balita ang mahal kong Tsanay

Inulilang labis makatalamitan.

Kaya nagmadali, aking sinulatan

Upang ihabilin ang maraming bagay. 832


Maraming natupok doon na rek’werdo

Sinulat ni tatay, ninuno at ako.

Hindi mapigilang luha’y sumigabo

Sa panghihinayang, lahat naging abo.

Ang sulat kay Tsanay ay sumisilakbo

Pero ang hinaho’y umakyat sa ulo. 838


“Tungkol sa sumunog o ang nagpasunog

Ng bahay ay di ko pagtatakhang lubos.

At lagpas pa roon, darating ang tuos

Sa aki’y naglilo na pusong balakyot.

Kung kadugo natin, ginamit na taos

Nabulagan lamang, pilit na sumunod.” 844


At labis at labis ang panghihinayang,

Sa mga nasunog na higit sa yaman.

Mula pa, sa aking kanunu-nunuan

Mga alaalang di mapapantayan.

Biro ng tadhana’y masakit kung minsan

Ang minahalaga’y naging abo lamang. 850


“Pinanghinayangan nang lubos at lubos

Ang mga apunte na ininot-inot;

Nang estudyante pa’t pinuhunang taos,

Pagdidili-diling mahaba’t makirot.

Bukod pa sa tula ng nunong inimpok

Sinikap ititik sa papel, nagpagod;” 856


“Bago pa yumao ang mahal kong tatay

At mapag-arugang aking tiya Titang,

Mga alaalang natupok na lamang.

Kaya pakiusap sa mahal kong Tsanay

Pagpilitan niya at ng aking mamang

Maisulat muli kong natatandaan.” 862


“Pati ang legajo nitong mga bata

Sana’y pagsikapang muling maitala.

Kung lumaki sila ay magisnang kusa

Titik ng kanilang amang mapagpala.

Ang pakiusap ko, sana’y maunawa,

Maibsan man lamang matinding pagluha.” 868


Kaya mahalaga ang paroroonan

Ay may nililingon na pinanggalingan.

Talinghaga’t dunong ng angkang minulan

Noo’y itinala’t buong kat’yagaan.

Ano’t ang sinapit, apoy ang sumagpang

Naging alipatong tangay ng amihan?


Ngayong naririto sa dayuhang lupa

At pinapangarap ang baya’y lumaya.

Kahit sumigabo bukal ng [agluha

Dine’y marami ring inaalagata.

Nagsasalungatan sasulok ng diwa

Ang nagtutunggaling udyok at pakana.



Sigalot sa Madrid


“…Sinabi ko sa iyo, makikinita –kinita

Baling- araw ay daratiing na magigising tayong

May samaan ng loob na di alam kung bakit

Ikaw ay napatawa sa aking nasabi at ako man”


-bahagi ng liham ni del Pilar

Kay Rizal mula Madrid

20 Hulyo 1892

May mga sandal na di mawaglit

putakting dumalaw, nangyari sa Madrid

wala sa hinagap uusok ang titis

sa pagsasamaha’y may titimong tinik

Si Pepe at ako’y iniibig

Magkasiglutn ang pagkakabigkis.


Noon ay Disyembre tatlumpu at isa

At taong mil otso siyentos nobenta

Taon- taon halos sa Madrid pupunta

Nagsasalu salo ang taga-kolonya

Dito’y pinipili ang mangunguna

Maging responsable na itatalaga.


Itong responsable ay lider na halal

Na kikilalanin sa junta general.

Mga Filipinong nawalay sa bayan

Ang pagkakaisa’y buhol na matibay.

Kaya ninanasa mga patakaran

Lubusang buuin at isang halalan


Sa lupong gagaw ng alituntunin

Si Pepe, Llorente’t ako ang napisil

Doo’y inilahad isinailalim

La solidaridad sa kolonyang giiw.

At sa Filipinas bawat saloobin

O anumang pasya’y doon manggagaling.


Maraming opinyong magkasalungat

Subalit si Pepe’y lakas manghikayat.

Ako’y nanahimik, minsan lang sumabad

Na dapat linawin ang pamamalakad.

Kaya’t sa halalan na noo’y naganap

Pipili n lider na magpapatupad;


Ng alituntunin ng tanging samahan

Upang magkabigkis layuning marangal.

At kami ni Pepe’y napagkaisahang

Maging kandidato dito sa halalan.

Sa una’y nagtabla at walang lumamang

Kung kaya’t inulit ang pagbobotohan.


At sa pangalawang halala’y umiwas

Si Naning ang aking kinatawang ganap.

Ibig kong si Pepe ang siyang maakyat

Sa pagiging lider na kilala’t tanyag.

Kahit sa kolonya paggalang ay tapat

Kanyang pamumuno buo’t walang pingas.


Pero wala pa ring mayoryang nakuha

At iminungkahing koalisyon muna.

Upang may ikatlong “manok sa tupada”

Na maisasabong para may mayorya.

Tahimik si Pepe at hindi kumontra

Pero saloobin y ipinakita.


Binilng ni Pepe sa kanya’y humirang

Na botoong lumabas maging halalan.

“Salama’t at akoy merong kaibigan

Na taga kolonya kahit labingsiyam,

Ipagpaumanhin ang pagpapaalam

At hanggang sa muli, adios, kasamahan


Maleta’y kinuha at kanyang sombrero

Umalis si Pepe, halatang nagtampo

Hindi na nakita ang mga pagboto

Sa ikatlong beses, siya ang nanalo.

Sinunod ni Naning ang tanging bilin ko,

“ibigay kay Pepe ang kampanyang todo.”


Kinakailangang magkaisa-isa

si Pepe ay lider na kinikilala.

Sinaluduhan doon sa kolonya

Pero umibabaw ang pagkakaisa.


Sa gitna ng aming pagpapakasakit

mayrong sigalot na nagsilbing titis.

Ako’y tinariang manok na di batid

Isinabong nila kay Pepeng tahid.

Ang mga katotong naatipon sa Madrid

ay aking sinikap magkasundong higit.

13 views0 comments

Comments


bottom of page