top of page
Writer's pictureMarcelo Del Pilar

ANG SIGALOT NINA PLARIDEL AT RIZAL sa panulat ni Antonio Valeriano



Noong ika-20 ng Hulyo 1892 si Plaridel ay lumiham kay Rizal at ganito ang kanyang ipinahiwatig:


“At ngayo’y itumpak natin ang ating pinaguusapan. Magugunita mong noong tayo’y nagpapasyal sa Paseo ng mga Rekoleto, patungo ka sa bahay ni Cunanan, at ako nama’y sa bahay ni Don Miguel, ay sinabi ko sa iyo: ‘Magmatyag ka, sapagka’t sa araw na hindi natin akalain, ay magigising tayong nagkakaalit nang hindi natin nalalaman kung bakit’. Napatawa ka sa aking sinabi, at ako man naman ay napatawa rin; hindi mo mahaka kung bakit gayong matibay ang iyong pasyang huwag sugatan ang aking loob at ako nama’y gayon din, ay magkakagalit tayo; datapuwa’t iyon ay sumagi sa akin na parang isang hindi napagsiyang kaba ng loob na hindi man pinagisip-isip.

“At ang nangyari nga ay nagising tayong nagkakagalit. Pagkaalis mo, ay nagising akong kaalit ng ilan at iba pang mga Pilipinong nakatira rito; at kinailangan kong lumunok nang walang imik ng lahat ng kapaitang tinanggap ko upang mapanatili ang pagkakasundo ng lahat. Ito’y sapagka’t ni ikaw, ni ako ay hindi sinagian ng hinala tungkol sa mga layuning paghihiganting naguudyok sa taong sa pamamagitan ng mga kaparaanang makadyablo ay minarapat na ipaghiganti ang kaapihan ng lupon.


“Sa wakas ay magkakaroon din tayo ng pagkakataong makapag-usap; ikinalulugod ko ang diwa ng kagandahang-loob na namamalas ko sa huli mong liham; nalalaman mo nang sa aki’y walang nagpapasigla kundi ang diwa ng pagkakaisa at pagkakapatiran sa ating mga kapanalig, ilaan natin ang ating lakas para sa mga kaaway ng ating katahimikan.”

Nagkatutuo nga ang hinuhang ito ni Plaridel. Bigla na lamang sumulpot ang isang sigalot na namagitan sa kanilang dalawa at nag-iwan ng sugat na hindi nakuhang papaghilumin ng mahaban g panahon at ng pagsisikap ni Plaridel.


Ang hindi lamang natupad sa hinuha ni Plaridel ay ang pagkakaroon nilang dalawa ng pagkakataong magkaniig at magkausap na muli. Ang tadhana ay nagmamaramot sa kanilang dalawa ng ganitong magandang pagkakataon at kapalaran. Kapwa sila binawian ng buhay noong taong 1896; si Rizal sa parang ng Bagumbayan noong ika-30 ng Disyembre sa pamamagitan ng punglo ng kaaway ng kaluwalhatian ng kanyang Inang-Bayan; si Plaridel sa malayong lupain ng Espanya noong ika-4 ng Hulyo sa pamamagitan ng isang pagkakasakit na bunga ng kanyang sukdulang paggawa at pagpapakasakit alang-alang sa Bayang Tinubuan. Silang dalawa ang gumanap ng pangunahing papel sa pagsisimula at pagwawakas ng Kilusang Pagpapalaganap. At ang kanilang diwa rin ang siyang sinagisag at nagpasigla sa pumalit na panibagong yugto sa pagpupunyagi ng mga Pilipino na makamit ang katubusan ng Inang-Bayan sa pamamagitan ng marahas at madugong pakikihamok laban sa mga mambubusabos.


Silang dalawa ang gumanap nang higit sa lahat ng ating magigiting na bayani sa pagkakaroon at pagliliwayway ng isang BANSANG PILIPINO.


Si Plaridel at si Rizal ay kapwa nag-angkin ng mga pambihirang katangian na ang ilan ay magkasintulad at ang iba naman ay naging magkaiba. Sa kabila ng sila’y kapwa pinagkalooban ng Maykapal ng mga katangi-tanging katauhan at ugali, sila’y mga tao rin na nagtaglay ng kani-kaniyang kahinaan, bagay na marahil ay siyang isa sa naging dahilan ng pagkakaroon ng sigalot nilang dalawa. Datapuwa’t sino ang tiyakang makapagsasabi kung ang sigalot na ito ay sadyang itinatalaga ng Haring Tadhana upang sa wakas ay makabuti sa kapakanan ng kanilang Inang-Bayan na kapwa nila minahal at lubusang pinaglingkuran? Ang Dakilang Lumikha lamang ang tanging nakakabatid ng bagay na ito.


Si Plaridel ay 11 taon ang katandaan kay Rizal, Subali’t ang huli’y nauna ng anim na taong dumating sa Espanya. Si Rizal ay nagtungo roon upang ipagpatuloy ang pagtuklas ng karunungan upang lalong maging mabisa sa paglilingkod sa Inang-Bayan. Si Plaridel ay naparoon upang makaiwas sa matatalim na kuko ng mga prayle at maipagpatuloy ang kanyang adhikaing mahango ang Inang-Bayan sa pagkaalipin. Tanging iisa lamang ang naging banal at masikhay nilang mithiin sa buhay, dili iba’t ang katubusan ng kanilang Lupang Tinubuan, subali’t silang dalawa ay nagkaiba at nagkasalungatan sa pamamaraan.


Silang dalawa ay nagtulungan at magkasamang nanguna sa pagtataguyod ng Kilusang Pagpapalaganap. Naging matalik silang magkaibigan. Humanga nang gayon na lamang si Rizal kay Plaridel at si Plaridel ay gayon din naman kay Rizal. Si Plaridel ang siyang naging kauna-unahang tagapagtanggol ni Rizal.


Si Rizal at si Plaridel ay kapwa naniwala at nanindigan sa paghihiwalay ng Simbahan at ng Pamahalaan, at sa pagpapalayas ng mga prayle sa ating lupain. Kapwa sila naniwala na habang ang mga prayle ay nananatili sa Pilipinas, ang hangaring mapaunlad ang ating bayan ay hindi maaring magkaroon ng katuparan, sapagka’t sila ang pinakamatibay na hadlang sa ikapagtatamo ng banal na adhikaing ito. Sa kanilang dalawa, ang mga prayle ang siyang puno at dulo ng lahat ng mga pagdurusa ng mga Pilipino.

Subali’t si Plaridel ang siyang higit na maalab na naging kalaban ng mga prayle at siya ang itinuturing na pangunahing kaaway ng mga prayle. Ang lahat halos ng mga sinulat ni Plaridel ay tumutuligsa sa mga prayle at sa kanilang mga katiwalian. Subali’t nanindigan siya na ang paghihiwalay ng Pilipinas at Espanya ay isang pagpapatiwakal para sa mga kababayan niya sapagka’t sa sandaling tayo’y mahiwalay sa Espanya ay kaagad tayong sasakupin ng ibang bansa na naghahangad na palawakin ang kanilang mga nasasakop na lupain. Ganito rin ang naging paninindigan ni Rizal. Dahil dito ay itinaguyod ni Plaridel nang puspusan ang layuning asmilasyon, alalaon baga’y ang pagiging isang lalawigan ng Espanya ang Pilipinas, at sa gayo’y kaalinsabay na tamasain rin ng mga Pilipino ang mga karapatang tinatamasa ng mga Kastila sa ilalim ng kanilang Saligang Batas.


Sa ibang salita, si Plaridel at si Rizal ay naging mga repormista na ang mithiin ay makapagtamo ng mga pagbabago sa kapakanan ng kanilang Inang-Bayan sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan at hindi gagamitan ng dahas. Subali’t si Rizal ay nauna kay Plaridel na tumalikwas sa layuning ito at maagang naniwala na ang panahong iniuukol sa Kilusang Pagpapalaganap ay wala nang katuturan at kahihinatnan, na ang pagsasamang Pilipino at Kastila ay isang pangarap lamang.


Noong ika-10 ng Oktubre 1889 ay isinulat ni Rizal ang isang pahayag sa Paris, Pransiya at ganito ang kanyang maalab na inihayag:

“Kapag ang isang baya’y binubusalan, kapag niyuyurakan ang kanyang kamahalan, karangalan at lahat ng kanyang mga kaluwagan; kapag wala nang nalalabing kaparaanang naaalinsunod na kautusan laban sa kalupitan ng mga umaapi sa kanya; kapag nagbingi-bingihan sa kanyang mga daing, mga pagsamo at mga hibik; kapag pati pagtangis ay ipinagbabawal sa kanya; kapag pinaknit na sa kanyang puso pati ng kahuli-hulihang pag-asa…kapag nagkagayon…kapag nagkagayon!...kapag nagkagayon!...wala nang ibang lunas kundi ang labnutin ng nahihibang na kamay sa mga dambana ng paghihimagsik!”

Si Plaridel ay may isinulat ding isang sanaysay na bagama’t may hawig sa pahayag na ito ni Rizal na sinulat sa Paris, yaon ay nagpapahiwatig ng matibay nag pangungunyapit ni Plaridel sa mapayapang pamamaraan. Sa kanyang artikulong Tampoco na nalathala sa La Solidaridad noong ika-31 ng Enero 1894, ay ganito ang kanyang inihayag tungkol sa paghihimagsik.


“Ang paghihimagsik ay hindi yumayari o nakayayari ng alin mang layunin; yaon ay isang pamamaraan lamang, subali’t siyang pinakahuling panglunas. Yaong mga inaalipin, dahil sa kanilang kasiphayuan o dahil sa sila’y paulit-ulit na niyuyurakan, o dahil sa paniniwalang ang mga pamamaraang kanilang ginagamit ay hindi nagiging mabisa upang mapaalis ang mga kahidwaang naghahari sa kanila, ito lamang ang kanilang katwiran upang maghimagsik bilang kahulihulihang pamamaraan.”


Si Galicano Apacible, isa sa naging kasamahan ni Rizal at Plaridel sa Kilusang Pagpapalaganap, ay nagsalaysay ng ganito pagkaraang yumao ang dalawa niyang kaibigan na sina Rizal at Plaridel:


“Si Rizal ay higit na radikal at lalong matapat sa kanyang pamamaraan at sa kanyang mga kaisipan; siya ay kinilalang isandaang bahagdang alagad ng paghihiwalay ng Pilipinas at Espanya. Si Plaridel ay katamtaman lamang at isang masugid na tagapagtaguyod ng layuning ang Pilipinas ay maging isang lalawigan ng Espanya.”


Sa isang liham ni Plaridel noong ika-7 ng Marso 1889 sa kanyang kaibigang taga-Bulakan, Bulakan, si Dr. Pedro Icasiano, ay ganito ang kanyang ipinahiwatig:

“…Sapagka’t ang dahilan ng pag-unlad ay hindi ipinaglalaban sa pamamagitan ng mga balang tingga; sa pakikihamok na ito’y ang bala ay mga kaisipan at ito kaipala ang siyang wala sa kampo ng mga kaaway.”


Sa kanyang maybahay na si Tsanay ay ganito ang winika ni Plaridel sa isang liham niya noong ika-30 ng Mayo 1889:

“Hindi tinipid kailan man ng tagalog ang kanyang salapi at dugo at buhay sa pagmamalasakit sa España; sa kabila nito’y walang hinihinging ipaghihirap ng Espanya, hindi humihingi ng salapi, hindi humihingi ng pagod, puyat ni ano man kundi igalang lamang sana ang pamumuhay ng tagalog, hayaang magka diputado at makapangatuiran lamang; kung pawang pagbibingi-bingihan ang gagawin sa tagalog, ay alalahanin nilang baka mangalo naman ang ating kamay sa kalalahad.”


Sa liham na ito ni Plaridel ay may mapapansing bahagyang babala sa mga Kastila na “baka mangalo naman ang ating kamay sa kalalahad”, nguni’t malinaw pa rin sa liham na ito ang kanyang pagiging masugid na repormista.


Si Pari John N. Schumacher, isang pala-aral na Amerikano, manunulat, propesor at mananalaysay, at nagukol ng masusing pagaaral tungkol sa Kilusang Pagpapalaganap mula noong taong 1880 hanggang 1895 at ang ginanap na papel nina Plaridel at Rizal sa kilusang ito, ay pinaghambing silang dalawa at ganito ang sinabi:


“Si Rizal at si Del Pilar ay pinaghambing bilang mapangarapin at makatotohanan. Hanggang sa isang hangganan, ang paghahambing na ito ay may katotohanan, subali’t sa kahuli-hulihang pagsusuriay si Rizal ang nagpamalas ng pagiging makatotohanan nang higit kay Del Pilar. Higit na maagang nakilala niya ang kawalang kahihinatnan ng pagtataguyod upang matamo ang mga karapatang pampulitika at ng asimilasyon. Bagama’t kanyang itinaguyod ang pagkakaroon ng kinatawan sa pambansang batasan ng Espanya, ang pagtataguyod (ni Riza) ay may taglay na kapintasan sa pagiging matamlay at pagkakaroon ng alinlangan sa magiging bisa niyon, kahima’t tinuligsa niya ang kawalang katarungan ng pagkakait ng kinatawan. Sa pagbabalik-tanaw, ay malinaw na ang mapangarapin na nanghawakan sa natutuhan sa mga aklatan na minaliit ni Del Pilar, ay siyang nakakita nang lalong maaga at malinaw sa katotohanan kung ihahambing kay Del Pilar na praktikal. Ang gawain, ipinagpumilit ni Rizal, ay dapat isagawa sa Pilipinas, hindi sa Madrid.”


Sa nobelang sinulat ni Rizal – ang El Filibusterismo, ay ganito ang inilagay niya sa bibig ni Simoun sa pakikipagusap kay Basilio:

“Ah! Ang kabataang kailan ma’y mapangarap at kulang sa pagkakilala sa mga bagay-bagay, laging kasunod ng mga paruparo at mga bulaklak! Nangagsapi-sapi kayo upang sa inyong lakas ay mapagtali ninyo ng taling pulos na bulaklak ang inyong bayan at ang Espanya, gayong ang tunay ninyong ginagawa ay ang pagyari ng tanikalang matigas pa kaysa diyamante. Humihingi kayo ng pagkakapantay-pantay sa karapatan, nakikitang ang hinihingi ninyo’y ang kamatayan, ang pagkapawi ng inyong pagkamamamayan, ang pagkaduhagi ng inyong Inang-Bayan, ang pananagumpay ng paniniil! Ano kayo sa araw ng bukas? Bayang walang budhi, bansang walang kalayaan; ang lahat ng taglay ninyo’y pawang hiram, sampu ng inyong mga kaisipan. Humihingi kayong maging parang Kastila at hindi kayo namumutla sa kahihiyan kung ipagkait sa inyo, at kahit na ipagkaloob sa inyo, ano ang inyong hangad? Ano ang inyong matatamo? Maligaya na kayo kung maging bayan ng pag-aalsa, bayan ng mga digmaan ng mga magkakabayan, republika ng mga mandaragit at di nasisiyahang-loob na kagaya ng ilang republika sa Timog ng Amerika!”

Walang nakatitiyak, maliban kay Rizal, kung si Plaridel ang pinasasaringan ni Rizal sa sinulat niyang ito. Maaring si Plaridel ay naghinala na siya ang pinasasaringan ni Rizal, bagama’t kailan man ay hindi niya ipinahiwatig kanino man, lalo na nga kay Rizal na kanyang lubusang iginalang at iningatang huwag magdamdam nang dahil sa kanya. Kung tutuong si Plaridel ay naniwala na siya’y pinasasaringan ni Rizal sa bahaging yaon ng El Felibusterismo, ito ay isang pangyayari na maituturing na nagpasimula ng kanilang sigalot.

Si Rizal mula nang dumating sa Espanya aya siyang kinilala ng mga kapwa niya Pilipino roon na kanilang lider, dahil sa ipinakita niyang taimtim na pagmamahal sa Inang-Bayn, sa kanyang pambihirang katalinuhan at katangi-tanging lakas ng loob. Hindi nangailangan ng isang halalan upang siya’y malukluk sa karangalang yaon.

Bukod sa pagiging isang lider pampulitiko at pangkaisipan, si Rizal ay nagkasakit din na mangaral, tulad baga ng isang apostol, sa mga kabataang Pilipino sa Espanya na napansin niyang nag aaksaya ng panahon sa pagsugal, paglalasing at pagpaparaan ng mga sandali sa mga babaeng Kastila. Sinabi niyang sila’y ipinadala ng kanilang mga magulang sa Espanya upang mag-aral at tinutustusan sa kanilang ginugugol doon hindi ujpang magsugal o maglasing lamang, kundi upang mag-aral at kung makatapos na ay makabalik sa Pilipinas at maglingkod sa kanilang mga magulang at gayon din sa kanilang Inang-Bayan.


Subali’t ang pangangaral na ito ni Dr. Rizal ay hindi minabuti ng mga kabataang yaon at sa halip sila’y napalayo sa ating bayani. Si Eduarod de Lete, isang Pilipinong may dugong Kastila at may taglay na hinanakit kay Rizal, ay kinasangkapan ng mga kabataang ito upang magsabuwatan sa pagpapabagsak ng pagkakataastaasang puno ni Rizal ng mga Pilipino sa Espanya.


Tulad ng nakagawian ng mga Pilipino sa Espanya, sila ay nagdaos ng isang piging sa Madrid upang ipagdiwang ang pagdating ng Bagong Taon noong gabi ng ika-31 ng Disyembre 1890 at ang pagkakataong ito’y sinamantala ng mga nagsabuwatan sa pamumuno ni Eduardo de Lete upang ibagsak ang pagiging lider ni Rizal at hiain siya.

Sa pagdaraos ng piging na ito ay iminungkahi at napagkayariang ihalal ang dapat kilalaning pinakamataas na pinuno ng kolonya o pulutong ng mga Pilipino sa Espanya, at sina Rizal at Plaridel lamang ang nagkalaban. Sa unang botohan ay walang nagkamit ng dalawang-ikatlong halal na kinakailangan ayon sa alituntuning pinagkayarian, bagama’t si Rizal ay nakalamang sa bilang ng boto.


Nagkaroon ng pangalawang botohan at pagkaraan ay pangatlo, subali’t wala pa ring nakatamo ng kinakailangang 2/3 na boto. Nagdamdam si Rizal sa pangyayaring ito at pagkaraang bilanging na siya’y mayroong 19 na kaibigan sa koloniya, ay nagpaalam at nagsabing siya’y maglalakbay sa ibang bansa. Hindi niya naamoy ang sabwatan na pinagkayarian ng mga kabataan sa pamumuno ni Lete.

Nang makaalis si Rizal ay naghalalang muli at sa mungkahi ni Mariano Ponce, si Rizal ay napagkaisahang ihalal ng lahat. Si Plaridel ay hindi dumalo sa huling pagbobotohan ito, subali’t dahil sa pagalis ni Rizal ay siya ang siyang inihalal bilang kapalit ni Rizal.

Hindi gaanong kalinawaan ang mga nalathala tungkol sa mga naganap sa paghahalalang ito. Narito ang buong isinalaysay ni Plaridel sa isang mahabhang liham niya sa kanyang bayaw na si Deodato Arellano noong ika-31 ng Marso 1891 mula sa Madrid:


“Dumating ang sandaling pagbibigay ng brindis. Si Doctor Rosario ang siyang nagmula noon at tunay na napakagaling ang kanyang paglulumbay sa di nila pagsisikap sa pag-aaral kung kaya ito ay nakakuha ng matunog na palakpakan; nguni’t matapos ito ay nadinig ang tinig ni Rizal na sinasabing ‘Dapat natin iyong damdamin, sa halip na pagpalakpakan.’ Ito ay nagpaasim sa ilang mga tigin, at nakaraan.

“Pagkatapos ng bangkete, sinamahan ko si Naning at si Da. Micaela at Marina na nagsidalo sa bangkete at umuwi ng nagiisa sa hating-gabi; at saka kami nagsiuwi sa calle de Atocha at doon ay naratnan ko pang lahat sila ay nagsisipagsugal. Noon ay alas cinco na ng madaling araw at sapagka’t mayroon akong kausap para sa alas ocho, ay agad-agad ako ay nahiga, nguni’t di ko naiyalis sa pagkakaunawa na doon ay nagsisidaing kay Rizal, pinararatangang siya ay maibigingmagpaimbabaw ng sarili sa iba, at iba’t ibang bagay pang di ko na pinansin.

“A las ocho ng umaga ay nagtuloy ako sa kausap at pagkatapos, mga alas doce, ako ay kumain at natulog muli. Nguni’t alas sinco ng hapon ay ginising ako at sinabi sa akin na ang colonia ay ipinatawag sa aking gabinete sa isang pagtitipon na ang hangarin ay pumili ng isang pinuno na siyang dapat sundin; at gayon nga, nangagsidating sa aking gabinete ang mga bumubuo ng colonia. Sa nag-aantok at sa gising na, ako ay nagulat sa gayong pinagkayarian at sa mula’t mula ay sinabi kong di ko nakikita ang pagkakaroon ng pangangailangan sa gayong samahan. Ako ay nanatili sa higaan at sa kaiisip, aking naramdamang iyon ay isang salamangka laban kay Rizal upang ipaalam sa kanya na ang kanyang pagiging pinuno ng colonia ay di masasabing walang sumasalungat gaya baga na iniisip ng marami. Iyong kurokurong iyon ay nagpabangon sa akin upang humadlang sa gayong iniisip, na sinasabing paraan upang bigkisin ang colonia (na talagang bigkis na). Naghanap ako ng mga ilan, nguni’t ang lahat ay nagsabing iyon ang pinakamabuting paraan upang kami ay magkasamasama, at sa kabilang dako, di naman ako naglakas loob na palitawin ang aking sapantaha sapagka’t ako’y wala namang nakikitang batayan.

“Sa katapusan ang lahat ay lumaban sa akin at ako ay natalo bilang tanging sumalungat sa panukala. Si Naning ay gaya ko rin ang palagay, nguni’t inisip na di tamang panahon upang makipagtagisan, at nanahimik.

“Nagtatag ng isang lupon upang sumulat ng mga alituntunin at ang mga nahirang ay sila Llorente, Rizal at ako. Ang lupon ay nagtipon agad agad at hinirang na tagasulat si Rizal.

“Pagkakasulat ng mga alituntunin, binalak kong bigyan ng aking pagpayag, sapagka’t sa akin ay sapat na ang iyon ay gawa ni Rizal upang ipalagay na mabuti ang pagkakagawa, at ito ang sinabi ko kay Llorente, nguni’t ito ay ipinagpilitan na iyon ay basahin, gayon pa man. Naglibang akong bigyan tanaw at aking napansing may alituntuning sinasabi na ang puno ng colonia ang siyang magpapasiya tungkol sa politica nito at ang Solidaridad ay sa kanya’y mapapailalim.

“Tinawag ko ang pansin ni Rizal at sinabi kong ang alituntuning iyon ay kalalabisan, sapagk’at ang Solidaridad ay iba ang kinasasangkalanan. Sinagot niya ako na: “Huwag ka nang mag-ingat at sa huli ay ikaw ang mahihirang na pinuno dahil sa ako at aking mga kasama ay sa iyo boboto at sa gayon, ito ay di na magiging makabuluhan. Nagpaliwanag ako sa kanila ng ibang mga bagay, at nakuha kong baguhin ng kaunti sa loob ng lupon ang alituntuning nasabi, upang maging ganito: na ang pinuno ay siyang magpapasiya sa politika at sa gayong kalagayan, magiging organo oficial niya ang Solidaridad.

“Nang magtipon ang Junta general upang pagusapan ang alituntunin at nang dumating sa pagbasa noon, may naging tanong tungkol sa kahulugan ng ganitong ‘organo oficial’ kung ang ibig sabihin baga noon ay mapapasa-ilalim. Napunta sa aking ang pagsagot, at aking sinagot na, sa Solidaridad ang pinuno ng colonia ay maaring ipalathala ang mga pinagkasunduan at ang mga damdamin at bagaman di napapailalim sa kanya, ang pahayagan ay handang ilathala ang kanyang mga pasiya na siyang katotohanan. Si Rizal, na di naman ako ang pinagsasabihan, ay nagsabi: ‘At sakaling ang Solidaridad ay magpalathala ng bagay na di makatutulong sa ikabubuti ng colonia, ang colonia baga naman ay lalabas na nananagot sa sasabihin ng Solidaridad?’

“Ako ay nagsabingi at para kong di nadinig ang tanong, at aking sinabi: ‘Mga ginoo, ang Solidaridad ay handang magbigay ng lahat ng uring pagtulong sa colonia at bagaman di sa colonia kailan pa man at ikabubuti ng Pilipinas: ang di magagawa ay iyong isuko ang kanyang kalayaan: at ito ay di magagawa sapagka’t siya ay bahagi ng isang sangkap na tunay na marangal, na ang mga bilin ay labis na maliwanag at labis na labas sa anomang pagsasailalim sa iba ng di muna pinagsasabihan ng pauna. Dahil dito, maaari kayong bumoto hanggang sa lahat ukol sa pagpapasailalim ng pahayagan sakaling ang pahayagan ay di pasailalim, ang inyong mga boto ay mawawalan ng bisa.

“Ang pagpapaliwanag na ito ay tinanggap at si Rizal ay napahayag na hihilingin sa Centro ang pagpayag na kinakailangan upang maikabit ang pahayagan sa Colonia. Matapos mapagusapan ang mga alituntunin, tumuloy sa pagpipili ng pinuno at dito ay nagkaroon na itinatakdang mayoria. Ang mga candidato ay si Rizal at ako. Inulit hanggang makatatlo ang pagpili, at gayon din ang kinalabasan, at kami ay naghiwalay, si Rizal at ako nang buong pagkakasundo, hanggang sa sinabi niya sa akin na sapagka’t uulitin ang pagpili kinabukasan, ang mabuti ay magkasundo kami sa koalicion ng ikatlong kandidato upang sa gayon ay maiwasan ang pagtatatag ng mga bando, at dito ay sumangayon ako.

“Noong hapon ng araw na iyon ay inulit ang elecion; kinakailangan ko ang umalis agad at di ako dumalo rito nagiwan lamang ako ng kapahintulutang ako ay katawanin ni Naning upang bumoto at sumali sa pagpapasiya. Sa pagbalik ko sa bahay aking nabalitaan ang ganito: Na sa unang botohan ay di rin nagkaroon ng sapat na mayoria; na dahil diyan, si Naning ay nakipagusap ng lihim kay Rizal at nagmungkahing magkaroon ng ikatlong kandidato, sa coalicion, na pagkakasunduan ng dalawang pangkating nagkakalaban; na si Rizal, na di tinatanggap ni di rin naman tinututulan ang coalicion, ay sumagot na siya ay tutungo sa ibang bayan upang hiwalay na maglilingkod, na doon sa lupaing mayroong dalawang Filipino ay di maaaring magkaroon ng pagkakaisa; na inulit ang eleccion ng ikalawa at muling di nagkaroon ng takdang kailangan; at dahil dito, muling di nagkaroon ng takdang kailangan; at dahil dito, muling di nagkaroon ng takdang kailangan; at dahil dito, muling di nagkaroon ng takdang kailangan; at dahil dito, si Rizal ay binilang ang mga boto sa kanya at sa harap ng lahat ay nagsabing; “Mabuti, alam ko na ako ay may 19 na kaibigan sa colonia; paalam, mga ginoo, ihahanda ko na ang aking maleta, hanggang sa darating at kinuha ang sombrero at umalis. Si Naning, sapagka’t ako ay may bilin na iwasang manalo ang aking candidatura, ay nakipagunawaan sa mga iba na alam niyang sa akin bumuto, at sinabing alang-alang sa pagkakasundo, ay ipagkaloob ang kanilang mga boto para kay Rizal. Si Dominador Gomez, sa sandaling ito ay mapagkayarian, ay siyang nagtalumpati at sinabing ang layunin ng kanyang pangkatin ay ang pagkakaisa ng colonia at handang ipagkaloob ang kanilang mga boto at ibigay para kay Rizal. Inulit ang eleccion at ang lumabas ay si Rizal.

“May piniling isang tagapayo sa dalawa na ayon sa reglamento ay kinakailangan, at ang napili ay si Lete. Sa pagpili ng ikalawang tagapayo, walang naging sapat sa mayoria sa kayNaning at kay Apacible at pinigil ang pulong upang ulitin sa kinabukasan. Ang mga Pilarista ay nagkasundong ipaglaban ang candidatura ni Naning (Si Apacible ay Rizalista), nguni’t si Naning ay nagsumikap upang ang mga Pilarista ay huwag siyang piliin at ipinakipagkasundong ang dapat piliin ay si Doctor Rosario. Dumating ang sumusunod na araw; at ang sandali ay natukoy sa akin ang mamuno at muling nagkainitan ang pagpili, walang naging sapat na mayoria, ang candidatura ni Doctor Rosario. Bukod rito, si Rizal ay nagsabing di niya tatangapin ang pagiging pinuno kung magwawagi ang candidatura ni Rosario. Kinausap ako ng mga Rizalista upang bumalik ako sa candidatura ni Naning at sila ay aking sinagot na nakita nila sa akin ang lahat ng pagbibigay upang magkaroon ng pagkakasundo, nguni’t sa kainitang iabot ng mga pangyayari, kinakailangang sila naman ay humanap ng ibang paraan ukol sa pagakakasundo. Sa gayon ay lumapit sa akin si Rosario at nagsabi: ‘Director, dinadala natin hanggang sa maaabot ng ating pagbibigay; yamang nagbigay na tayo ukol sa pagka pinuno, magbigay na rin tayo ngayon upang mapagalamang di tayo ang pinanggagalingan ng di pagkakaunawaan.’ Pinigil ko ang pulong upang magkaroon ng usap usapan, at sa pagpapasiya ng lahat ay may iminungkahing ikatlong candidato ng coalicion: G. Modesto Reyes. Isinagawa ang pagpili at siya ang lumabas.

“Itinakda ang araw sa paghawak ng tungkulin at ang ito ay isinagawa sa harap ng aking pangunguluhan. Pagkabasa sa acta, nagbigay tanong ako kay Rizal kung kanyang tinatanggap ang tungkulin at handang manumpa ukol dito at sa gayon ay hiniling na siya ay makapagsalita. Nagbigkas ng mahabang talumpati ng paninisi, pinilantik si Lete, at idinagdag na ang G. Del Pilar ay sana’y nagurong ka-agad ng kanyang candidatura, lalong lalo na sapagka’t siya na rin (ako) ang nagsabing di akma na siya ang manalo (totoo nga na ito ay aking sinabi); na sa Maynila ay di mabuting matatanggap ang balita sa kanyang pagkatalo, sapagka’t doon ay kinikilalang siya ang pinuno, at sapagka’t siya ang pinuno ng mga nasa Maynila, tunay na di mabuti ang di siya ang maging gayon din sa Madrid; na ang pagka pinuno sa Maynila ay makikilala sa sulat na ihinahalimbawa siya kina Ruiz Zorilla, at bukod dito, walang nagaalinlangan sa kanyang pagkapinuno doon, sapagka’t kanyang gawain ang lahat ng kilusan ng damdamin na doon ay kumikilos sa mga sandaling ito. (Kinakailangan ko ang matinding pagpipigil upang ako ay manatiling walang imik buhat sa panguluhan).

“Matapos ang talumpati, hiniling ni Lete ang makapagsalita at bago ko ito ibigay sa kanya, aking pinagsabihang ang sandaling iyon ay di upang magmula ng labanan kundi upang magtanghal sa panunungkulan, at si Lete ay pinatahimik ako, na sinabing di siya makikipagtalo anoman, kundi magsasabi lamang ng dalawang pananalita upang mailigtas ang sarili sa mga paratang na sa kanya ay pinarating.

“Sa huli, tinanggap ko ang panunumpa ni Rizal at mga taga payo, at ibinigay ko sa kanila ang paghawak ng kani-kanilang tungkulin. Si Dominador Gomez at si Tomas Arejola ay nagtalumpati ukol sa mga pangyayari, ng di naman nagkait na mag-paalala sa asal na mapakipagkasundong ipinakita ng mga pilarista.

“Sa gayon ay natapos ang pulong. Mga ilang linggo pagkaraan, si Rizal ay isinagawa ang binabalak na paglalakbay sa ibang lupain at ako naman ang nahirang sa tungkuling naiwan. Inisip kong tanggihan, nguni’t sa alang-alang baka ipalagay na masama ang di ko pagtanggap ay tinanggap ko.

“Ito ang tunay na kasaysayang ng pangyayari: tinatawagan ko bilang saksi, ang mga ilang kakailan lamang ay nangagsibalik diyan. Ngayon ay inihahabilin ko sa iyong mabuting pakikiramdam kung ano ang dapat isagawa dahil sa mga ganitong pangyayari. Sa aking palagay ay dapat nating iwasan ano’t ano pa man ang mangyari, na magkaroon ng di mabuting pagpapasiya ukol sa ating Rizal; ibig kong panatilihing buong buo ang pangalang napaka marangal na diyan sa kanya ay ibinibigay. Matatandaan mong nang siya’y nagpumilit na makabalik, ikaw ay aking binigyan ng tanging habiling ingatan ang ano mang sa kanya’y makapagpapaliit; dahil nga sa ito ay aking ginawa sapagka’t nakikinikinita ko na ang mga bagay na nakikita ko. Iyan ay dahil sa ang aking lalaki ay lumaki sa mga aklatan, at sa mga aklatan ay di pinapansin, sa mga gawain ang tunay na mga pangyayari sa buhya.”

Noong ika-26 ng Agosto 1891, mula sa Barselona ay lumiham si Graciano Lopez-Jaena kay Rizal at ganito ang kanyang isinalaysay:

“Ang tunggalian ninyo ni Marcelo ay lubhang nakapukaw ng damdamin sa Maynila at sa sinapupunan ng Lupon ng Kapatiran ni San Patricio, ay dinamdam ang kaalitang iyang sumulpot. Itinanong nila sa akin ang dahilan at sanhi ng tunggalian, nguni’t sa dahilang hindi ko nalalaman, ay wala akong naisagot maliban sa mga hakahaka at ang mga narinig ko sa bibig ng ilan; ang nakararami sa lupon, dahil sa gawa-gawa ni Marcelo ay sumisisi sa iyo, datapuwa’t ipinagtanggol kita. Sa Marilaw, sa bahay ng manugang na babae ni Doroteo Cortes, na dinaluhan ko dahil sa isang pagtitipong pinaganyaya sa akin, ay binasa ang isang napakahabang sulat ni Del Pilar, na ipinadala sa Lupon, at sa sulat ay iniulat ang pinagmulan ng mga samaan ng loob ninyong dalawa at ng kolonya sa Madrid; binaligtad niya ang mga pangyayari upang ang mga iyo’y maging ayon sa kanya, kaya ang ating kaibigan, ang kasama ko pagtitipon, na si Moises Salvador, ay nanghimasok at ipinagsanggalang ka nang pangatawanan.”

Si Hen. Jose Alejandrino, isa sa mga Pilipinong dumalo sa pagpupulong ng mga Pilipino sa Madrid upang ihalal ang kanilang pinakamataas na pinuno, ay sumulat naman ng ganito:

“Nang ang bayambayanang Pilipino sa Madrid ay magpasiyang maghalal ng isang Pangulo, ay nagkaroon ng dalawang kandidato, si Rizal at si Marcelo H. Del Pilar. Ipinagpauna ni Rizal na hindi niya tatanggapin ang pagkapangulo kung hindi siya tatanggap ng kahit na dalawang ikatlong bahagi ng mga boto. Ang dalawang kandidato’y may mga kapanig na masisigla at pangatawanan. Sa loob ng panahon ng paghahalalan ay nagkaroon ng pattutunggaliang mainit at hanggang sa nagkabunyagan sa kani-kanilang katauhan. Si Rizal, kahit na nahalal nang sang-ayon sa itinakda ng alituntunin, sa pamamagitan ng pagpapahayag lamang sa salita, ay tumanggi sa pagtanggap ng tungkulin sa ilalim ng matwid na ang kanyang pangungulo ay maaaring pagbuhatan ng pagkakaalitan ng mga Pilipino, at hindi niya ibig na maging sanhi ng pagkakahati-hati at alang-alang sa ikapagkakaisa ay iniiwan niya ang larangan kay Marcelo H. Del Pilar, at ibinabalang siya ay aalis na patungo sa Paris, gaya ng kanyang ginawa.”

Sangayon kay Austin Coates, isang Ingles na sumulat ng talambuhay ni Rizal, sa paghahambing kay Rizal at Plaridel, ang “Martir ng Bagumbayan” ay isa sa pinakadakilang anak ng Asia, na siya ay naging mapaglikhang dalubhasa sa sining, palaisip, at nagkaroon ng maka-sining na pananaw sa mga bagay-bagay, at sukdulang napalulong sa katotohanan at pagigigng hayag – mga katangiang lubusang kinakailangan sa isang itao na ang mithiin ay ang magturo – datapuwa’t sa kanyang pakikitungo sa mga kasamahan, siya ay nagkulang sa pagiging tuso, isang bagay na laging kinakailangan sa liderismo. Isang katotohanan na sa kanyang pamumuno, si Rizal ay ginawa ang kanyang sarili bilang isang halimbawa, bagay na lubhang nakahikayat sa iba, nguni’t yaon mga suliranin, maliban kung yao’y katambal ng kakayahang magkunwari sa pagtanggap ng mga nagkakasalunggatang paninindigan datapuwa’t hindi naman kinakailangang palalain. Ito ang pinakamahalagang katangian ng isang lider pampulitika na tinaglay ni Del Pilar.

Tungkol sa pamamahala ng La Solidarida, si Plaridel ay nanindigan na ang pananagutan sa pahayagang ito’y dapat manatili sa kanya bilang kinatawan ng Lupon sa Pagpapalaganap sa Maynila na siyang tumutustos sa gugulin ng pahayagang ito.

Sa kabilang dako, si Rizal ay nanindigan naman na ang pananagutan ay dapat isalalay sa kamay ng isang lupon na binubuo ng mga kaanib ng pulutong ng mga Pilipino sa Espanya.

Dahil sa hindi pagkakaroon ng pagkakasundo hinggil sa bagay na ito ay napagkayarian na ito’y isangguni sa Lupon sa Maynila upang hingin ang kanilang pasiya.

Si Rizal ay may hinampong nilisan ang Espanya at nagtungong Pransiya at ipinagpatuloy ang kanyang pagtataguyod ng Kilusang Pagpapalaganap nang nagiisa.

Samantala sa Madrid, si Plaridel ay naiwang walang gumambala sa kanyang pamamahala ng La Solidaridad alinsunod sa kanyang pamamaraan, subali’t nadama niya ang malaking kakulangan ng paglisan ng kanyang kaibigan at katulong-tulong na si Dr. Jose Rizal.

Noong ika-21 ng Enero 1891, si Rizal ay lumiham kay Jose Maria Basa sa Hongkong at ganito ang kanyang isinumbong:

“Sa pamamagitan ng kalakip na liham ay mapag-aalaman ninyo ang pakanang binalak gawin laban sa akin at ang kinasangkapan ay ang ating kaibigang Del Pilar na sa di-kaalaman ay nayag naman; gayunma’y nagwagi ako, datapuwa’t ito’y lubhang isinukal ng aking loob.”

Ang pagtutunggaliang ito nina Plaridel at Rizal ay mabilis na nakarating sa kaalaman ng Lupon ng Pagpapalaganap sa Maynila at nagbunga ng isang bagay na hindi sukat akalain ni Plaridel.

Bukod sa nadama ni Plaridel na malaking kakulangan ng paglisan ni Rizal sa Madrid, marahil ay nadama rin niya na may isang bagay siyang nagawa na lubhang nakasugat ng damdamin ng kanyang itinuturing na matalik na kaibigan kung kay’t sinikap niyang mapaghilum ang sugat na yaon na namagitan sa kanilang dalawa at upang mapabalik niya si Rizal na muling sumulat sa La Solidaridad. Datapuwa’t naging matatag ang paninindigan ni Rizal na huwag nang makialam sa ano mang paraan sa pahayagang yaon.

Ang paghiwalay ni Rizal sa La Solidaridad simula noong taong 1891 ay itinuturing na isang pagbalikwas sa kapalaran ng pahayagang yaon ng mga propagandistang Pilipino. Si Antonio Luna ay natiyagang nagpatuloy sa pagtulong kay Plaridel, datapuwa’t hindi nagtagal at siya’y humiwalay rin, una, dahil sa kanyang palagay na siya ay pinagsasamantalahan ni Plaridel, at ikalawa, ay dahil sa kanyang pagiging malapit na kaibigan ni Rizal at kasangayon nito sa pamamaraan ng pamamalakad ng naturang pahayagan.

Si Lopez-Jaena, pagkaraan ng mahabang panahong pagsasawalang imik, ay muling sumulat sa La Solidarida, subali’t hindi rin lumaon at siya’y nagtigil sa pagsusulat. Ang mga ito at ang patuloy na pagkukulang na salaping tulong mula sa Maynila at ang nararagdagang paghihigpit ng pagsisiyasat (censura) sa Pilipinas, ang siyang naging dahilan ng maagang pagtiklop ng mga dahon nito.

Noong ika-28 ng Mayo 1890, mula sa Bruselas, si Rizal ay lumiham kay Plaridel bilang pagtugon sa isang liham ni Plaridel at ganito ang kanyang ipinagtapat:

“Sadya akong hindi nagpadala sa iyo ng artikulo sa ating SOL: upang makapahinga ang mga nabasa na at makasulat naman ang iba nating mga kababayang dapat makilala ng lahat. Marami sa atin ang mga natatagong mutya, o di nabubuli kayang sarisaring bato, na walang kinakailangan kundi dalhin sa liwanag at nang tanghalin ng lahat; dahil dito’y ang nasa ko’y tumago muna sa lihim upang ding ang mga bago’y lumitaw.”

Ang liham na ito ni Rizal ay tinugon ni Plaridel noong ika-8 ng Hunyo 1890 at ganito ang kanyang naging kasagutan:

“Tinaggap ko ang sulat mong ika-28 ng Mayo, at pinapanimdim ako ng pahayag mong sinadya ang di pagpapadala ng artikulo at lilisanin mo na ang pagtulong sa SOL. Sakaling may ipinagkulang ako sa iyo – bagay na malayong kusain ko – ay mangyari sanang ipaunawa mo at nang maalaman ko naman ang sukat kong pagtikahan. Samantala ay maniwala kang sa mga kasaliwaang palad na nagsuson-suson sa buhay ko ay h indi makapayag yaring loob sa ganitong pangungulila.”

Noong ika-11 ng Hunyo ay muling sumulat si Rizal kay Plaridel mula sa Bruselas at ganito ang kanyang inihayag:

“Napakalayo naman ang abot ng iyong munakala sa pag-isip mong ako’y hihiwalay sa SOL: dahil sa sama ng loob; tila di mo pa ako kilala; ako’y hindi pintigin, at kung sakali ma’t may isinama ang aking loob, ay ako’y magsasabi at hindi hihiwalay sa pagtulong at sa pakikpaglaban...ibig kong matapos na pilit ang ikalawang putol ng NOLI (ang tinutukoy rito ni Rizal ay ang kanyang nobelang El Filibusterismo), sa isang sakali, ibig kong sana’y huwag matapos ang aking sinimulan kung mayroong makapagpapatuloy. Kaya nga ang nasa ko’y makilala at sumilang ang mga bago...”

Waring namahinga nang matagal ang palitang ito ng sulat nina Plaridel at Rizal. Lumipas ang mahigit na isang taon bago muling nanumbalik ang kanilang pagsusulatan. Noong ika-7 ng Agosto, 1891 ay ganito ang inihinga ni Plaridel sa kanyang liham kay Rizal:

“Ang sinasabi sa aking buhat sa Maynila ay magkasundo raw tayo; at palibhasa sa pagkaalam ko’y wala namang hinanakitang namamagitan sa atin, ay hindi ko malaman kung paano magsisimula. Madalas na hinawakan ko ang panulat upang sumulat sa iyo tungkol sa bagay na ito, datapuwa’t sa tuwi-tuwina’y binibitiwan kong naghihirap at nanghihina ang loob sa pagdili-diling baka humantong sa pakikipagalitan sa aking pinakamabuting kaibigan nang hindi ko tinitikis at hindi ko man lamang nalalaman ang gayon. Sa anu’t anuman, sakaling may sama ka ng loob, ay ipinamamanhik ko sa iyong iwaksi mo na; sakaling inaakala mong ako’y nagkasala at ang kasalanang ito’y mapapatawad, patawarin mo ako...Malaki ang pagnanais naming sumulat ka uli; ito’y hindi lamang makapagpapatatag sa SOL; kundi makapagpapawalang bisa rin sa mga pakana ng mga prayle sa Pilipinas, na ang ipinamamarali ay naghahati raw sa ating dalawa ang ganap na pagkakaalit at tayo ay pinabayaan ni G. Miguel de Morayta.”

Mababakas sa liham na ito ni Plaridel ang kanyang kinahunan at kababaang loob sa pagnanais niyang malunasan ang kanilang pagkakalayo. Noon ay lubusan na niyang nadarama ang kahalagahan ni Rizal. Pagkalipas ng isang linggo, noong ika-12 ng Agoso, 1891 ay tumugon si Rizal kay Plaridel at anya:

“Ipinagtaka ko nang gayon na lamang ang iyong sulat na tumutukoy sa mga hinanakitan, pagkakasalungatan at pagkakasundo, at iba pa; inaakala kong walang kabuluhang pag-usapan ang isang bagay na wala, at sakaling nagkaroon man, ay nararapat nang naparam noong mga panahong nagdaan. Magkaisa tayo ng palagay, na yamang walang anuman, ay hindi nararapat aksayahin ang panahon sa pagtalakay niyon.

“Kung ako ma’y tumigil ng pagsulat sa LA SOLI; iyo’y maraming dahilan: 1. Nangangailangan ako ng panahon para sa aking aklat; 2. Ibig kong ang ibang mga Pilipino’y gumawa naman; 3. Inakala kong sa isang pangkatin ay lubhang mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakaisa sa mga gawain, at yamang ikaw ay nasa itaas na at ako nama’y may sariling mga kaisipan, ay lalong mabuting pabayaan ka nang mag-isa sa pamamatnugot ng pulitika, sangayon sa iyong pagkakaunawa, at ako’y huwag makialam sa bagay na iyan. Ito’y may dalawang kalamangan: kapuwa tayo nagiging malaya, at nakapagdaragdag ng kapurihan mo, bagay na kailangang-kailangan, yamang sa ating baya’y kapos ng mga taong may kabantugan. Hindi ibig sabihin nito na ako’y hindi gagawa at susubaybay sa inyong mga gawain; ako’y parang isang bahagi ng hukbo na sa sandaling kinakailangan ay mamamalas ninyong darating na lamang upang lumusob sa dakong tagiliran ng kaaway na kaharap ninyo. Hinihingi ko lamang sa Diyos na pagkalooban ako ng mga kaparaanang ikagagaw niyon.”

Hindi mabatid kung si Plaridel ay tumugon sa liham na ito ni Rizal sapagka’t walang matagpuan sipi ng liham na iyon kung mayroon man. Noong ika-7 ng Oktubre 1891, mula sa Paris, ay muling lumiham si Rizal kay Plaridel at ipinaliwanag uli ang tungkol sa hindi niya pagsulat sa La Solidaridad:

Binanggit mo ang pagsulat ko uli sa LA SOLIDARIDAD; pinasasalamatan ko ang iyong paanyaya nguni’t maliwanag na ipinagtatapat ko sa iyong ako’y walang kanais-nais na sumulat pa, at marahil ay nahulaan mo na ang kadahilanan. Ako’y sumulat nang mahigit na isang taon sa pahayagang lumalabas tuwing labinlimang araw, habang inaakala kong ito’y pahayagan ng mga Pilipino, at sa udyok ng gayong akala, ay ni hindi ko ninais malaman kung paano nabubuhay ni sa anong dahilan nabubuhay; ang paniwala ko’y isang samahang pambansa iyon at tiniis kong walang katutol-tutol ang paglihim sa akin ng mga hiwaga ng nabanggit na pahayagan. Ngayo’y sinasabi mo sa aking ang LA SOLIDARIDAD ay isang samahan ng ilang katao lamang at mauunawaan mong ako’y hindi makagagawa sa ganitong kalagayan, para sa isang samahang panarili: hindi ko nalalaman kung sino ang aking pinaglilingkuran, ni kung paano ko pinaglilingkuran, ni kung paano ko tinatanggap ang aking mga paglilingkod. Naito ang dahilang walang pagsalang nahulaan mo na. Tangi sa roon, sa LA SOLIDARIDAD ay nalathala, hindi lamang ang mga kaisipan, kundi ang mga buo-buong lathalain din namang katunggali ng aking mga kuro-kuro at mga pananalig, at hindi ako maaring makapagpasok ng pagdadalawang mukha sa llabinlimang-arawing iyan. Minamarapat kong lalo ang magkulong sa aking pagkakaligpit at pagiisa kaysa makagulo sa pagkakasundo at kapayapaan ng mga manunulat niyon. Gagawin ko ang lahat ng aking magagawa, tangi lamang ang ako’y sumulat, upang ang pahayagang iya’y manatiling buhay. Malamang na ako’y ituturing mong napakamaramdamin, inaamin kong ako’y gayon nga, datapuwa’t kapag ang isang tao’y walang sinimpan liban sa mabuting kalooban, pag-ibig at pagpapakasakit alang-alang sa mga kaibigan niya, at walang isinusukli sa kanya kundi mga pagsisi at mga tuligsa, paniwalaan mo akong siya’y nararapat magbago ng asal at magiba ng gawi. Ang mga kalmot ng kaibigan ay lalong nakasasakit kaysa mga sugat ng kaaway.”

Hindi matiyak kung ang liham na ito ni Rizal ay tinugon o hindi ni Plaridel sapagka’t wala ring matagpuang sipi ng sulat niya. Nguni’t maaring mahaka natin na ito’y tinugon niya sapagka’t noong ika-13 ng Oktubre ng taon ding yaon ay muling sumulat si Rizal kay Plaridel, mula sa Paris, na may kahabaan at naguumapaw sa mga hinanakit. Ganire ang isinasaad ng kanyang liham na yaon:

“Sa atin-atin lamang dalawa ay maaring tayo’y magkapaliwanagang mabuti, sapagka’t sa kabutihang palad, ang ating pagkakaibigan ay matagal na, at ang ating samaan ng loob ay kamakailan lamang, supling marahil ng kapaligirang iyan ng Madrid. Magpaliwanagan nga tayo.

“Ikaw ang nagsabing ang pahayagang SOLIDARIDAD ay isang gawaing pansarili na walang kinakaalam kundi ikaw lamang; ito ang iyong sinabi noong ninais kong ipagkaloob sa Responsable ang karapatang humadlang sa ganito o gayong lathala. Sinabi ko sa iyo noon, na akala ko’y isang gawaing pambansa. Mga saksi ang mga Pilipinong kaharap noon (sa pagtatalo tungkol sa alituntunin). Maging gawaing pambansa o maging pansarili man, sa takot mong ang aking pangatawanan at ayon sa matuwid na pakikialam sa iyong pulitika ay makapampakulimlim sa pulitika mo, kung ito’y hindi kakulangan ng tiwala sa aking pamamatnubgot sa pulitika, ay aywan ko kung sa anong dahilan iuukol ko. Higit na minamarapat kong ibigay ang ganitong paliwanag kaysa humanap ng iba pa, na makaiiwa sa damdamin nating kapwa. Sinabi mo: hindi tio, hindi ito. Sinasagot kita: maging iyan nawa, sapagka’t hindi nararapat mag-apuhap ng ibang katwiran, sa ganang palagay ko man lamang.

“Hindi isinusukal ng aking loob na sa udyok ng iba’y ninais mong ako’y ibagsak; katutubo ng balana ang paghanap ng kanyang kaluwalhatian, at tayo’y nasa isang bayan pa naman na ang balana’y gumagawa ng pagsalungat upang makapagpahayag na siya ang puno ng isang lapian o isang pangkat. Noong una’y dinamdam ko ang paraan ng pagkakapayag mo upang ako’y maibagsak, datapuwa’t ngayon, na ako’y lalong tahimik, ay napapangiti na lamang ako at naipalalagay na ang pagsalungat na iyong ginawa sa akin ay nagbunga ng kabutihan para sa akin, sapagka’t kung ako’y pinagkaisahang hirangin ay nanatili sana ako, at kung anu-anong kagipitan sana ang aking kinasuungan pagkatapos!...

“Sayang at nagkabitak ang gawaing pinagmalasakitan nating dalawa! Nauunawaan kong sa kailaliman ay may pagmamahal ka pa rin sa akin at ikaw naman ay minamahal ko tuwina, higit pa marahil sa hinahaka mo, sapagka’t sa akin, ang lahat ng mga damdamin, ang lahat ng mga pag-ibig, ang mga kapootan o pagkagalit ay tumatagal, hindi ko naman sinasabing walang katapusan. Ito ang kapintasan ko: ako’y nagpapatawad, datapuwa’t mahirap akong makalimot, at kung paanong hindi ko nalilimot na ikaw ang naging pinakamabuting tagapagtanggol ko at pinakamabuting taga-pagsanggalang, gayon ding naaalaala kong ikaw ang kauna-unahang tiningkal na ninais kasangkapanin upang ako’y ibagsak! Sayang na sayang at tayo’y hindi nakapagpatuloy nang magkapiling, at sapagka’t sa paano’t paano ma’y ako ang kumakatawan bilang pinaka-ulo ng pulitika, ay ninais mong ako’y ilubog upang mapataas ka at siyang maging kauna-unahang ulo! Nguni’t ito’y karaniwan na sa buhay ng tao.

“Ang maliit na mga katimawaang ito, na walang iniwan sa mga alitan ng mga aliping nagtatalo tungkol sa halaga ng kanilang mga kadena, ay huwag nawang makapawing lubos ng mga gunita sa mga taong nakaraan, noong hindi pa tayo nagkikita sa silong ng langit ng Madrid! Magpapatuloy akong magsimpan ng pagpapahalaga at pakikipagkaibigan sa iyo, manapa’y kaibigan kaysa pagwawalang bahala sa LA SOLIDARIDAD: at umasa kang hindi ako papasok sa anumang pakana ni sabwatan upang ikaw ay ibagsak o upang patayin ang pahayagan mo. Ang pagligpit ko’y hindi pakikidigma sa iyo.”

Sa simula ng pagsusulatang ito nina Plaridel at Rizal ay mapapansin na kapwa sila nag iingat at waring napipigilang ibulalas ang nasa kailaliman ng kanilang mga damdamin. Subali’t sa mga huling liham na ito’y mababanaagan ng higit na liwanag ang tungkol sa kanilang sigalot o hidwaang ito. Masisilayan ang kadakilaan ng pagkatao nilang dalawa sa mga liham na ito. Kung tinugon o hindi ni Plaridel ang huling liham na ito ni Rizal ay walang nakatitiyak maliban sa kanya. Ang sumunod na liham niya kay Rizal ay noong ika-20 ng Hunyo 1892, na ang pagitan sa sinundang sulat ay halos sampung buwan.

Samantala, si Rizal ay naging sukdulang abala sa kanyang iba’t ibang mga makabayang pagpupunyagi. Nanggamot siya sa Hongkong, nagsadya sa hilagang Borneo tungkol sa kanyang binalak na pagtatayo ng isang bayan-bayanan doon upang mapagligpitan ng kanyang mga kababayang pinaguusig at inaagawan ng mga lupang kanilang sinasaka, at pinagaralan ang pagtatatag ng isang makabagong pamantasan o dalubhasaan sa Hongkong na mapagaaralan ng mga kabataang Pilipino sa halip na pumaroon pa sa malayong Espanya.

Si Rizal ay lubusan nang nawalang ng pagasa sa La Solidaridad. Sa isang liham niya mula sa Hongkong noong ika-30 ng Disyembre 1891, ay ganito ang sinabi niya sa kanyang kaibigang si Propesor Fernando Blumentritt:

“Naniniwala ako na ang La Solidaridad, ay hindi na siyang larangan ng aming pakikibaka; ngayon ay panibago ng pakikipaglaban. Nais kong paunlakan ka, subali’t naniniwala akong ang lahat ay wala nang kabuluhan; ang paglaba’y wala na sa Madrid; ang lahat ay panahong naaksaya.”

Ito ang paninindigan ni Rizal noon pa mang magtatapos ang taong 1891, samantalang sa panahong yaon, si Plaridel ay masigasig na masigasig sa kanyang pamamatnugot ng La Solidaridad at matibay ang pagtitiwalang sa pamamagitan ng pahayagang ito ay matatamo ang hinihinging mga kaluwagan ukol sa kanyang mga kababayan.

Sa Madrid ay isa na namang pangyayari ang naganap na sa halip na malunasan ang sigalot nina Plaridel at Rizal ay lalo pang pinalubha ang suliraning ito. Noong ika-15 ng Abril 1892 ay isang artikulo na sinulat ni Eduardo de Lete na may pamagat na Iluso (Ang Mapangarapin) ang lumabas sa La Solidaridad. Nang mabasa ito ni Rizal ay hinaka niyang siya ang tinutukoy o pinasasaringan ni Lete na “mapangarapin” at inisip rin niya na ang artikulong yaon ay hindi malalathala sa La Solidaridad nang walang pahintulot ni Plaridel. Ito ang lalong nagpalala sa kanilang sigalot, sa halip na makalunas. Dito lalong nagtumibay ang unang paninindigan ni Rizal na ang pahayagang yaon ay sadyang nararapat mapasailalim ng isang lupon ng mga Pilipino sa Madrid sa halip na sa tanging sa kapanagutan ng Patnugot nito.

Mula sa Hongkong, noong ika-23 ng Mayo 1892, ay dalawang mahahabang liham ang sinulat ni Rizal, ang isa’y kay Plaridel at ang pangalawa’y kay Mariano Ponce. Sa mga sulat na yao’y buong layang inihinga ni Rizal ang kanyang pagdaramdam. Kay Plaridel ay itinanong niya ang ganito: “Ang hayop ang sumigid sa inyo upang ako’y hagkisin, gayong dito’y hindi ako nakikialam sa pulitika at ang tanging ginagawa ko’y ang makapaghanda ng isang pook na malaya at mapagpangublihan ng mga Pilipino at ang mga nalalabing oras ko’y iukol sa pagsulat ng ilang akda:”

Sa sulat naman ni Rizal kay Ponce ay ganito ang kanyang ibinulalas:

“Labis-labis kong dinaramdam ang pagkakapahintulot ni Pilar na malathala ang lathalaing nabanggit, sapagka’t ito’y makapagpapaniwala sa marami na talagang may pagkakapangkat-pangkat sa atin. Inaakala kong maari tayong magkaroon ng maliliit na samaan loob at mga pagkakaibang kuro nang hindi kinakailangang idamay pa doon ang lapian. Kinakailangang tayo’y huwag kumibo at maggalangan. Ito ang inaakala ko, datapuwa’t sina Pilar at Lete, ay maaring nagakala ng ibang bagay, at ipinagtatapat kong may kalayaang ang lahat...”

Labis na nakagambala sa ating maramdaming si Rizal ang artikulong sinulat ni Lete at walang pagkasiyahan ang kanyang pagdaramdam. Noong ika-15 ng Hunyo 1892 ay muli siyang sumulat nang may kahabaan kay Plaridel na sinimulan niya ang ganito:

“Namalas ko sa sulat mo nang ika-10 ng Mayo na ayaw mong panagutan ang lathalaing inilabas ni Lete na tumutuligsa sa akin. Marahil ay nagkakamali ako, bagay na ikatutuwa ko nang gayon na lamang, sapagka’t magiging malaking puwang ang nabuksan sa kaaway, yamang ang pagkakatuligsa sa akin sa LA SOLIDARIDAD ay halos katumbas ng pagtatakwil ng LA SOLIDARIDAD sa mga huling araw nito, ng mga simulain niya...”

At tinapos ng ganire:

“Ninanais kong makita ka sa Maynila o dito (sa Hongkong) upang tayo’y magkaunawaan at manumbalik tayo sa dating pagpapalagayan. Umaasa akong kapag nalabas ka sa ganyang kapaligiran, at nagkaharap tayo ay magkakaunawaan tayo.”

Ang sulat ni Plaridel noong ika-10 ng Mayo kay Rizal na may petsa 15 ng Hunyo 1892 ay nawaglit at walang matagpuang sipi.

Sa artikulo ni Lete ay maari rin namang hindi nga si Rizal ang kanyang pinasasaringa o tinutukoy, kundi si Graciano Lopez-Jaena, at marahil sa mungkahi ni Plaridel. Ayon kay Lete ay iminungkahi ni Plaridel sa kanya na sulatin ang artikulong yaon at ilarawan “ang isang uri ng manghihimagsik na mapangarapin at walang lakas na makagawa, at hindi sumagi sa kanilang (Plaridel at Lete) ang buhay na larawan ng sino man.”

Noong Hulyo ng taong 1892, isang buwan lamang pagkaraan ng kanyang pagbabalik sa Pilipinas, ay ipinadakip si Rizal dahil sa pagkakatatag niya ng Liga Filipina at siya’y ipinatapon sa Dapitan, hilagang Mindanaw, kung saan siya’y nanatili nang apat na taon. Nang mabalitaan ito ni Plaridel ay sumulat siya sa Dakilang Kalambenyo noong ika-20 ng Hulyo 1892 at ganito ang kanyang inihinga:

“Dinamdam ko nang gayon na lamang ang balita ng kapaslangang ginawa sa iyo: mamabutihin ko pang ako ang maging sawi kaysa lumunok ng ganitong pagkabalisang hindi magpatulog sa akin. Hindi magtatagal at susundan kita, at tingnan natin kung diyan sa pagdadalhan sa atin ay maihasik natin ang binhi at mapalaganap natin ang tanim. Nakikiramay ang mga Pilipinong nakatira sa Europa...


“Tinanggap ko ang dalawang sulat mo, na naglalaman ng iyong paniniwalang ikaw ang siyang tinuligsa sa LA SOLIDARIDAD ng lathalain ni Lete nang ika-15 ng Abril. Namamali ka. Paanong mapahihintulutan kong ikaw ay tuligsain niya gayong para sa akin ay mahalaga ang iyong kabantugan? Paano, kung sa kabila ng lahat ng nangyari sa atin (sa lalong mabuting sabi’y sa iyo), ay hindi ako tumitigil sa paghahangad na mapanauli ang ating dating pagpapalagayan, sapagka’t inaakala kong ang mumunting pakakaiba ng ating mga pamamaraan ay hindi sapat na makasira ng pagkakaisa natin sa mga simulain, sa mga layunin, at sa mga damdamin? Paano, gayong ang aking paraan sa paggawa ay nasasalalay sa pagkakaisa, pagkakapatira, pagpapaunmanhinan at pagtutulungan ng mga nabubuklod ng iisang mithiin? Ano ang napala ko sa walang imik na paglunok ng mga tuligsa, paglait at mga kapaitang tiniis ko sa maraming tao alang-alang sa ipagkaksundo? Inuulit kong namamali ka. Natitiyak kong nang sulatin ni Lete ang lathalaing iyon ay hindi niya tinangkang tukuyin ka at lalong hindi ang bagabagin ka. Ang inilarawan niya’y isang uri ng taong ang mga pamamaraan ay lubos na kabaligtaran ng mga pamamaraan mo. Hindi mo tinatakwil ang mga pamamaraang nakatutulong at nakapaghahanda ng kaparaanan mo, ikaw na rin ang sa aki’y nagsabing paulit-ulit na: ‘sa atin ay wala nang nalalabing kaparaanang susubukin’, bakit ipagpapalagay mong ikaw ang nalalarawan sa isang tauhang tumatakwil at sumisira sa lahat ng kaparaanan sa paghahanda? Kung gayon ang pagkakaakala mo sa iyo, ay sasapantahain kong ikaw ay aking inaba, at nalalaman mo nang sa anumang bagay at sa kanino man ay hindi kita maaring hamakin.”

Dito nagtapos ang pagsusulatang ito ng ating dalawang pangunahing pambansang bayani. Nagmaramot ang tadhana upang silang magkaibigan ay muling magkaniig, magkapaliwanagan nang malapitan at masinsinan, at marahil ay magkasundo bago sila sumakabilang buhay.

Hindi matiyak kung ang huling liham na ito ni Plaridel kay Rizal ay sumakamay ng huli sapagka’t noo’y lahat ng mga liham sa kanya ay nagdaraan sa pagsusuri bago ipadala sa kanya at hindi mapagaalinlanganan na ang liham na yaon ay sinadyang hindi paabutin kay Rizal ng mga maykapangyarihan kung pinadala sa Dapitan sa pamamagitan ng koreo. Datapuwa’t kung ito’y ipinadala ni Plaridel kay Rizal sa isang lihim na paraan, ay tiyak na nakarating kay Rizal, datapuwa’t sa kalalagayang yaon ng Martir ng Bagumbayan ay malamang na hindi na niya tinugon ang liham na yaon ni Plaridel.

Ang hidwaang ito nina Plaridel at Rizal ay yumanig sa buong kalupunan ng mga Pilipino sa Europa at sa Pilipinas. Nanglupaypay ang Kilusang Pagpapalaganap sa Espanya dahil sa alitang ito. Sa Pilipinas ang naging kapasyahan ng mga Pilipino sa Madrid na isangguni sa Lupon sa Maynila ang tungkol sa pamamalakad ng La Solidaridad na hindi pinagkasunduan nina Plaridel at Rizal, ay naging isang mabigat na suliranin ng mga kaanib ng Lupon. Ang dating Lupon sa pamumuno ni Deodato Arellano, bayaw ni Plaridel, ay nabuwag at nagpanibagong tatag.


Ang bagong Lupon na ito sa isang pangkalahatang pagpupulong ay napagkayariang ipagbigay alam kay Rizal ang kapasiyang magtatag ng panibagong pahayagan sa ilalim ng pamamatnugot niya at ni Graciano Lopez-Jaena bilang pangalawang patnugot. Subali’t ang balak na ito ay hindi binigyang puwang ni Rizal.

Sa Maynila ay natatag ang Lapiang Maka-Rizal o Lapiang Rizalista, subali’t ito’y binuwag ni Rizal nang siya’y magbalik sa Pilipinas noong 1892 sapagka’t ayon sa kanya ito’y makapagbubunga ng pagkakahati-hati ng mga Pilipino at sa halip nito ay itinatag niya ang Liga Filipina, isang samahang pambansa na ang layunin ay papagkaisahin ang lahat ng mga Pilipino, itaguyod ang kanilang kaunlaran, ipagtanggol ang naapi, at iba pang mga makabayang adhikain.

Sa mga ilang liham na sinipi rito na nagsasalaysay ng mga pangyayari na ibinunga ng hidwaan o sigalot na ito nina Plaridel at Rizal sa Maynila, ay nagpapakilala ng di-natinag na lakas ni Rizal sa kanyang mga kababayan. Subali’t bago siya bumalik sa Pilipinas ay sukdulan siyang naging abala sa iba’t ibang mga gawain na hindi niya ninais na iwanan nang hindi tapos, kung kaya’t ito marahil ang naging dahilan kung bakit hindi natuloy ang pagtatatag ng bagong pahayagan sa Espanya sa ilalim ng kanyang pamamatnugot. O maaari rin namang hakain nating ang balak ng bagong Lupon sa Maynila ay hindi sinangayunan ni Rizal sa paniniwalang wala nang kabuluhan o bisa ang pagpapatuloy ng pagpapalaganap sa lupang Espanya dahil sa pagbibingi-bingihan ng mga Kastila sa kanilang mga karaingan, tulad nang malaon na niyang inihayag.

Samantala sa Madrid ang mga kabataang hindi minabuti ang pangangaral ni Rizal at nagudyok kay Eduardo de Lete na magsasagawa ng isang sabuwatan laban kay Rizal, ay isa-isang nangaglaho sa paligid-ligid ni Plaridel liban kay Mariano Ponce.

Noong ika-31 ng Enero 1982 si Rizal ay lumiham sa kanyang kaibigang si Fernando Blumentritt at ganito ang kanyang inihayag, bukod sa mga iba pang bagay:

“...ang aking lalong taimtim na adhika, ang aking lalong marubdob na nasa ay ang makitang ang sarili’y nasa hulihan ng ibang lalong dakilang mga Pilipino. Kapag lumitaw, balang araw, ang maraming mga Pilar at mga Lete upang paglahuing ganap si Rizal, sa araw na iyan ay makatutulog na ako nang payapa; ang kapalaran ng aking bayang tinubuan ay matitiyak at maari na akong pumanaog nang nakangiti sa aking libingan. Ang aking ngalan, ang aking maliit na kabantugan, ang aking katahimikan, lahat-lahat, ay ihahandog ko para sa bagay na iyan. O! Lagi kong hinihintay ang dakilang pulutong ng mga batikang binatang Pilipino!.”

Mula sa Leitmeritz, si Blumentritt ay sumulat kay Rizal sa Hongkong noong ika-4 ng hulyo 1892 at ganito ang kanyang isinulat sa ating bayani:

“Halos nasagot ko na sa nauna kong liham ang tungkol sa isinulat mo sa akin. Ibig ko lamang tawagan ang iyong pansin tungkol sa isang bagay, at ito’y dili iba kundi sinuman sa mga maka-Pilar ay walang sinasabing masama sa iyo. Baligtad pa nga, lalo na si Del Pilar, na lagi nang sumusulat tungkol sa iyo sa pamamagitan ng lalong mabuting pagpapalagay, at sa dahilang ikaw ma’y walang masamang sinabi kailan man laban kay Del Pilar, kaya inaakala kong hindi ako nagkakamali sa aking palagay na, alang-alang sa kilusan ng mga Pilipino’y maaaring magtatag ng isang modus vivendi, sapagka’t mga ibang tao lamang ang maaaring maghatid ng hindi pagkakaunawaan sa ganap na pagkakaalit. Hindi ko nais na magkaroon kayo ni Del Pilar ng kapayapaan kundi ng isang pansamantalang pagkakasundo lamang, habang tayo’y nakikipaglaban sa ating mga kaaway.

“Hindi mga maka-Del Pilar kundi mga maka-Rizal ang nagsisulat sa akin at nagsabing nararapat magtatag si Rizal ng isang pahayagang mapanghimagsik o kaya’y magbalak ng isang kilusang mapanghimagsik. Pinagpaalalahanan ko sila upang huwag ka nilang hikayating gumawa ng gayon at kara-karakang sinulatan kita. Pinagpayuhan ko na, maging ang mga maka-Rizal at maging ang mga maka-Del Pilar, upang sila’y magkasundo at lumimot sa maliliit na samaan ng loob (maliliit para sa bayang tinubuan). Aywan ko kung magtatagumpay ang aking mga payo, aywan ko; hindi na sumusulat sa akin ang mga kastila at hindi rin sumusulat sa akin ang maraming Pilipino...”

Si Eduardo de Lete, ang masugid na maka-Plaridel, ay nagkaroon ng malubhang hinanakit kay Rizal bunga ng ingit at kasiphayuang dinanas niya sa kamay ng isang magandang paraluman na pinaghainan niya at ni Rizal ng pagibig, subali’t ang naturang binibini, si Consuelo Ortiga y Rey, ay naging malapit kay Rizal ay hindi kay Lete, na isang mestizong Kastila.

Noong si Rizal at si Lete ay nagsikap na matalo si Rizal sa klase at sa mga paligsahan sa pagsulat ng tula, datapuwa’t kailang man ay hindi niya natalo ang Dakilang Kalambenyo.

Sa Europa, nang itatag ng mga Pilipino ang pahayagang La Solidaridad, ay naghangad si Lete na maging patnugot ng pahayagang yaon, subali’t si Rizal ang unang napili at nang ito’y tanggihan ni Rizal ay muling nagadhika si Lete sa karangalang yaon, subali’t muli siyang nabigo sapagka’t sa mungkahi ni Rizal ay si Graciano Lopez Jaena ang napagkaisahang hiranging Patnugot ng nasabing pahayagan. Dahil sa mga pangyayaring ito ay si Lete ang pinaghinalaang nagudyok sa sabuwatang ibagsak ang liderismo ni Rizal sa pulutong ng mga Pilipino sa Espanya at ipalit si Plaridel, at may katwiran naman ang gayong paghihinala. Si Lete ay sumulat din kay Rizal at ipinagkaila na siya’y walang sinomang taong pinasasaringan sa kanyang artikuling nalathala sa La Solidaridad, lalong-lao na ngang hindi mangyayaring yaon ay ang katauhan ni Rizal.

Noong taong 1929, mula sa Madrid , ay isang mahabang paliwanag ang isinulat ni Eduardo de Lete tungkol sa kanyang artikulo na ipinaghinanakit ni Rizal at ganito ang kanyang ipinahayag:


“May paghihinalang minamalas naming mga namamatnugot sa Madrid ng pakikipaglabang politiko sa isang paraang mahinahon at hindi lumalabag sa mga kaparaanang ipinahihintulot ng mga pangyayari, maging sa sinapupunan ng ‘Kapisanang Kastilang-Pilipino’, maging sa Lohiyang Solodaridad’, at sa pahayagan na ring Solidaridad, dahil sa takot sa ibubunga nitong kapinsalaan ang karahasan ng ilan sa ating mga kasama, na wari’y mga kasangayon ng mga taong maiinit ang dugo, mga mapanghimagsik, kabilang na sa mga ito ang kailan ma’y hindi dapat na papurihang si Lopez-Jaena; at upang mapaglabanan kahit bahagya ang gayong hilig na hindi namin inakalang tumpak na isiwalat sa madla sa luklukan pa naman ng Pamhalaan sa Madrid, ang Patnugot ng SOLI, si Marcelo H. Del Pilar, ang kataastaasang talino, ang maningning na diplomatiko, ang politikong matayog ang lipad, ang taong malaki ang puso, ang kaibigang tapat, ang martir na pinabayaan at namataly sa karalitaan, na nagpakasakit ng kanyang buhay sa dambana ng Bayang Tinubuan, siya rin at sa kanyang sariling sariling bibig na ang nagbilin sa akin ng pagsulat ng akdang pinamagatang Ang Mapangarapin (Iluso) na nalathala sa isa sa mga bilang ng La Solidaridad.”


Napakarilag na papuri ang ibinigay na ito ni Lete kay Plaridel, datapwa’t nasaan siya nang ang sinabi niyang “kaibigang tapat”, at iba pang papuri nakatataba ng puso, ay nagiisang naiwanan sa Madrid na tanging si Mariano Ponce lamang ang natitirang umaalalay hanggang sakahulihulihang sandali ng buhay ng kanyang kaibigang pinakapuripuri?

Kay Dr. Rizal, sa kabila ng mgahinanakit niya sa Martir ng Bagumbayan ay nagukol din si Lete ng mga papuri at ganito ang kanyang sinabi:


“Ang Diyos ay siyang walang hanggang Katarungan! Nagpapadala sa bawa’t bayan ng kanyang Tagapagligtas. Si Rizal ay siyang katarungan; sa Rizal ang bayang Tinubuan!”

“Luwalhati natin ang kanyang alaala at lumuhod tay sa kanyang libingan na siyang banal na dambana ng ating Pagsasarili.”

232 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page